IX

Hinggil sa aming pagparoon sa lalawigan ay naaalaala ko na aking isinulat sa iyo, aywan lamang kung ang liham ko'y dumating sa iyong mga kamay ó kinusa mo ang hindi pagtugon, sapagka'tnamutiang mga mata ko sa kaaantay ng iyong sagot.

—¡...!

—¿Hindi mo tinanggap? Marahil; datapwa't huwag mong sabihing hindi mo naalaman kung saang lalawigan kami naparoon sapagka't ang iyong tatay ay nakapaghatid pa sa amin hanggang sa sasakyan. Hindi maaaring hindi nasabi sa iyo, oo; hinding hindi.

—¡...!

—Hindi raw!... ¡Nakapagtataka! ¿Diyata't hindi man lamang nabanggit ng tatay mo ang bayan naming pinaroonan? ¿Diyata't hindi nasabi sa iyo, ni sa nanay mo?

Oh! Hindi nga marahil! Oo: sapagka't malapit, na ang akala ng iyong ama'y ako lamang ang kinagigiliwan mo ng mga araw na yaon at inalala niya marahil na masisira ang iyong pag-aaral ó susunod ka sa amin kung ipabatid sa iyo ang pinaroonan naming lalawigan.

Nguni't siya'y namali, kung gayon ang kanyang paniwala, sapagka't ipinatalastas man sa iyo ay hindi ka aalis ng Maynila, ni hindi masisira ang iyong pag-aaral dahil sa naiwan dito ang iyong langit, ang paraluman ng iyong gunita ... Huwag kang magkaila, huwag; mayroon akong katunayan....

Sinabi mo na may nagbalita sa iyong tatay na palagi kang nakakagalitan ng iyong mga guro sa dahilang malimit kang hindi makalisyon at dahil sa balitang iyon ay ipinagbawal niya sa iyo ang pagpapasiyal kaya't napaalis kami ng hindi mo naaalaman.

¿Totoo nga kayang ang paghihigpit ng iyong ama ang naging dahilan ng hindi mo pagkadalaw sa akin? ¿Hindi kaya totoo ang nabalitaan kong si Enchay na kababata natin, ang nagbawal sa iyo?

—¡...!

—Huwag kang magkaila at ipakikita ko sa iyo ang katunayan na si Enchay nga; huwag kang sumumpa at baka ka mapahiya sa dakong huli.

—¿...?

Kaylan ko natanggap ang balitang iyon at sino ang naghatid sa akin? Sasabihin ko sa iyo:

Nang kayo'y may tatlong araw nang nakalilipat sa ibang bahay ay may nagsadya sa amin na isang binatang balingkinitan ang katawan, mataas, malago ang buhok, matangos ang ilong at matingkad pa sa kayumangging kaligatan kulay at siyang nagsabi sa akin na si Enchay daw at ikaw ay nagmamahalan. Ako'y nagalit mandin at waring pati niya'y kinayamutan ko.

—¿...?

Aywan, hindi ko masabi kung nagalit nga ako at kung ako'y nagalit ay hindi ko masasabi ang dahilan, sapagka't nang mga araw na yao'y musmos pa ako at ang mga musmos ay madaling magalit at madali namang matawa. Makailang araw ay muli akong nakabalita na kayo nga ni Enchay ay nagkakaibigan at noon ako naniwala ng lubos sapagka't may isang linggo nang hindi mo ako dinadalaw, gayon ma'y hindi ako nagdamdam at sumulat pa ako sa iyo nang kami'y naghahanda ng paglalakbay sa Batangan.

Ang sulat ko'y hindi mo sinagot hanggang kami'y lumulan sa sasakyan, at iyo'y isang katunayan pa na talagang ako'y wala nang kabuluhan sa iyo ng mga araw na iyon.

Ang lungkot ko'y gayon na lamang, at lalong lalo na nang kami'y naglalayag, sapagka't nagunita kong sa lalawiga'y walang kasayahang gaya sa Maynila. Dito'y panay na kaligayahan ang aking naranasan; subali't doo'y panay na kalungkutan ang aking makakaulayaw sa araw at gabi.

Ako nga'y malungkot at napatulo pa ang aking luha. ¿Nguni't naroroon na'y ano pa ang aking gagawin!? ¡at mayroon man ay wala nang mangyayari!

Dumating kami sa Batangan.

Mahusay ang Panahon, ang langit ay maaliwalas at malamig ang amihan.

Noo'y linggo ng umaga at sa pantalan pa lamang ay sinalubong na kami ng aming mga kamaganak na doon nananahanan at kami'y dinala sa bahay ni G.X. na may dalawang anak na dalaga at kinagabiha'y hinarana kami ng mga binatang tagaroon at gayon din sa nagsisunod na gabi.

Ang lungkot kong nagsimula nang kami pa'y naglalayag ay naparam at nasabi kong "masaya rin pala sa lalawigan".

Datapwa't hindi naglaon ang aking kasayahan. Kami'y lumipat sa bukid dahil sa damdam ng aking ama at noon na na nagsimula ang pagkaulila ko sa lahat ng bagay at ang pagdama ko ng tunay na lagim sa buhay.

Naroon na'y ano pa ang gagawin kungdi ang magtiis! At nagtiis nga ako. Datapwa't nang may apat na buwan na kami roo'y inisip ng tatay ko ang kami'y bumalik sa bayan sa pagka't siya'y magaling na sa kanyang sakit at nagpapalakas na lamang.

Nang ipabatid sa akin ang kanyang tangkang iyon, ako'y lumigaya at nasabi kong wala nga palang hirap na di napapalitan ng kaginhawahan. Sa bayan, ¡oh, sa bayan! nororoon ang ligaya, doo'y masayang lahat ang tao; nguni't dito dito sa bukid ay bihira ang tao mong makikita na hindi dumadaing sa sungit ng palad na nagtataboy sa kanila sa kabundukan upang doo'y humanap ng ikabubuhay at sa gabi ay wala kang mapapakinggan kundi huni lamang ng libo-libong kulilig.

Makaraan ang ilang araw ay nilisan namin ang bukid.

Sa baya'y nadama ko ang aking kinasasabikan; ang ginhawa, ang kasayahan, at noon ko nawikang sa lalawigan pala'y maari ding mabuhay na gaya ng kabuhayan sa Maynila at higit pa, sapagka't bihira ang gabing walang harana, at madalas angbuencomersa tabi ng ilog ó kaya'y sa palayan.

Nang may ilang araw na kami sa bayan ay nakatanggap ako ng isang sulat. Akala ko'y iyo at dali dali kong binuksan; nguni't nang tunghan ko ang lagda'y natalastas kong ako'y namali; sapagka't yaon pala'y kay Enchay, upang ipagbigay—alam sa akin na kayo'y magiisang dibdib pagkatapos ng iyong pag-aaral.

¿Ano ang dahila't ako'y sinulatan ni Enchay? ¿Pinasasakitan kaya ako?

Siya'y namali. Wala tayongsalitaannang kami'y paroon sa lalawigan. Siya, ni sino man, ay walang katunayang máihaharap na tinanggap ko ang iyong pag-ibig at ngayo'y hindi ko masabi kung sa pagiibigan ang ating napaguusapan noong araw at kung pagiibigan nga ay hindi ko rin masasabing inibig kita sa hayagan ó sa lihim man, sapagka't noo'y musmos pa ako at wala akong muwang sa ngalang pagiibigan. Nguni't kung ang mga pagkalungkot ko pag tayo'y hindi nagkikita ay nagkakahulugan ng pag-ibig ay ginanti ko ang tibok ng iyong puso. Nguni't ¿hindi ba't ang bagay na iyan ay nangyayari din naman sa magkaibigan na nagmamahalang parang makapatid?

Sakali mang hindi ako musmos noon at sinagot kita ng oo, ay namali siya, si Enchay sapagka't nang tanggapin ko ang kanyang liham ay nalimot ko na ang nakaraang panahon.

Kaya't nasabi ko tutoy sa sarili nang matapos kong basahin:

"¿At maano sa akin? ¿Mawawalan ba ako?"

Makaisang lingo'y na katanggap ako uli ng liham din niya'y at iba naman ang ibinabalita sa akin: ngunit ako'y tunay na nayamot pagka't bawa't talata'y may salitang napakarumi at kung isipisipin ko ang kahulugan ay sa akin patama. Gayon ma'y hindi ko sinagot, at ¿bakit ko sasagutin? Ay ¿di pinantayan ko pa ang baba niyang singbaba ng nakasusuklam na lusak?...

Ako'y hindi mataas magsalita. ¿Ano ang aking ipagmamataas sa ang uri ko'y mababa rin namang katulad ng iba? Datapwa't ang kanyang ginawa ay nakaririmarim na gaya ng pusali na amoy lamang ay nakasasama ng sikmura.

Hindi ko nga siya sinagot at siya'y pinatawad ko pa, at kung kami'y magkikita ngayon ay hindi niya ako kahahalataan ng sama ng loob.

Ang tatay ko'y lumakas.

Kami'y naparito sa Maynila, at ang una kong nabalitaan ay ang paglililo sa iyo ni Enchay na pinaglalaanan mo ng iyong karrera.... Huwag kang magkaila, huwag; may katunayan akong walang kasing laking kasinungalingan ang sinasabi mong hindi ako nawawalay sa iyong isipan. Huwag mong nasaing maikubli ang isang katotohanan.

—¡...!

—¿Sumusumpa kang totoo ang sinabi mo at ako lamang ang iyong iniibig? Ito nga namang mga lalaki, pag-ibig magsinungaling ¡inaku! hindi mo ako mapaniniwala ... Huwag kang magpumilit, huwag; at baka sabihin ko pang kaalam ka ni Enchay nang ako'y padalhan ng sulat....

At ... namula ka. May katwiran yata ako, ha, ha, ha.

—¡...!

—¿Wala? ¿Bakit ka namula? Talagang may sala ka.

—¡...!

—¿Namamali ako at iniibig mo pa ako hanggang ngayon?

—¡...!

—Sagutin ko kung may maasahan ka pa sa akin? Oo, sasagutin kita; datapwa't tugunin mo muna ako:

Ngayon ba't tinalikdan ka na ng pinaglalaanan mo ng iyong karrera ay akong ihinabilin mo na sa limot ang iyong pamamanhikan, akong pinagtangkaan mong malugmok sa hirap, sa pamamagitan ng dalawang liham na ipinahatid sa akin ni Enchay?

—¡...!

—¿Isinusumpa mong hindi ka kaalam? ¿Bakit niya naalamang lumigaw ka sa akin?

—¡...!

—¿Aywan? Wala kang pinag-iwan sa ilang taga bukid na nakikilala namin; huli na'y nagkakaila pa. At hindi ako nagtataka, sapagka't ang taong nagkukubli ng katotohanan ay talagang ganyan at matapang pa kung minsan, hindi yata?

¡Naku! kung gaya ng dati na tayo'y mga musmos, ay tatawagin ko ang ating mga kaibigan at sasabihin kong: narito ang bulaan, ang sinungaling, narito ¡itignan ninyo!

Nguni't napapalayo ako. Pagbalikan natin ang iyong tanong.

Manuel, tanggapin ang tungkos ng mga liham na ito at sa mga iya'y mababasa mo ang aking sagot ... Huwag mong buklatin dito, sa inyong bahay mo na basahin ... ¡Ah! Huwag sana, at kung may tutol ka'y sa ibang araw ka na parito....

Hindi kita itinataboy. Ibig kong umuwi ka na, sapagka't baka hindi ka magkapanahon sa pag-aaral ng ililisyon mo bukas.

—¡...!

—Itinigil mo ang pag-aaral buhat nang mamatay ang iyong ama at ang kapatid mong Juan na lamang ang pumapasok sa Sto. Tomas?

Sinayang mo ang panahon; nguni't may katwiran ka, may asawa na si Enchay ay ¿bakit ka pa magaaral, sa siya lamang ang pinaglalaanan mo ng iyong karrera?

—¡...!

—Ako raw at hindi si Enchay! Oy, manong matahan ka....

—¡...!

Uuwi kana? Mabuti nga't nang maalaman mo ang laman ng mga liham na iyan....

—¡...!

—Oo hanggang bukas.

Nang si Manuel ay dumating sa kanyang bahay ay ang pagbubukas sa, tungkos ng mga liham ang unang ginawa, at matapos basahin lahat ay nag-buntong hininga at nasabi sa sariling:

"Nahuli ako; nguni't iisa ang ipinahahatid kong liham ay ¿bakit naging tatlo...?"

Matagal na inisip kung ilan sulat ang naipadala kay Enchay nang sila'y nag-iibigan; datapwa't hindi maapuhap sa alaala na ang una'y sinundan pa ng dalawa.

Maging isa man o tatlo na nga, ay nahuli na siya ni Edeng at dahil dito'y nalungkot ng gayon na lamang.

—"¡Oh ...!" ¡Kahiyahiya kay Edeng!—ang bulong sa sarili—Isinumpa ko pa naman na liban sa kaniya'y wala na akong inibig at ipinagmatigas ko pang siya'y hindi nawawalay sa aking gunita ... ¿Ano kaya ang kanyang palagay sa akin ngayon ...? ¿Isang bulaan? ¿isang sinungaling?

At ang mukha'y tinutop ng dalawang palad na parang may kaharap na kinahihiyaan.

Ang sulat na ipinahatid ni Manuel kay Enchay ay talagáng iisa nga. Ang dalawang hindi niya makuro kung saan nagbuhat ay gawa ng isang binatang taga Batangan na nangingibig kay Edeng.

Isang buwan muna bago nalipat ng bahay sina Manuel, ang binatang iyon ay lumipat din sa bahay na kapiling ng tinitirahan nina Edeng at parang nahalinang inakit ng ganda nito sa gawang pag-ibig.

Noo'y nagdadalaga na si Edeng. At nang mahalatang ito at si Manuel ay waring nagmamahalan, ay nagisip ng daan upang magiit ang kanyang pagliyag.

Ang pagkakalipat ng bahay nina Manuel ay siyang sinamantala ng binatang iyon; nakitulong sa paglululan sa karreton ng mga kasangkapan at dahil dito'y kinagiliwan ni Don José at ni Aling Mirang na mga magulang ni Manuel.

Nang gabi rin ng araw na iyon at samantalang sina aling Mirang at ang kanilang mga alila'y naghuhusay ng bahay, si D. José ay kaniyang kinausap at ibinalita na si Manuel ay malimit na hindi makalisiyon, kaya't palagi daw na nakakagalitan ng mga guro, at nang sina Edeng ay patungo sa lalawigan ay sinulsulan si Manuel na lumigaw kay Enchay.

Ang binatang iyon ay nagaaral sa paaralan ng mga Heswitas at nang dumating ang bakasyon ay umuwi sa Batangan at si Edeng ay makalawa sa isang lingong pinagsasadya sa bukid.

Sa kanilang mga paguusap ay naino niyang si Manuel ay hindi nawawalay sa alaala ni Edeng, kaya't gumawa ng lahat ng paraan upang malimot ang binatang nagtitiis ng hirap sa pagkaulila sa kaniyang nilalangit.

Nang buksang muli ang mga paaralan ay lumuwas dito sa Maynila at nang mga araw na yaon ay noon naman tumanggap si Edeng ng dalawang liham ni Enchay.

Si Manuel at si Enchay ay nagkaibigan nga, datapwa't hindi naglao't ito'y umibig, sa iba. At nang ikakasal na sa kanyang bagong kasi ay ipinamanhik sa ating binata na isauli kay Manuel ang isang liham na kanyang tinanggap; nguni't ang liham na iyon ay hindi dumating sa kinauukulan.

Nang sina Edeng ay lumuwas dito sa Maynila ay ibinalitang agad ang paglililo ni Enchay at si Manuel daw ay may bagong nililigawan.

Isang pagkakataon. Ang dating magkakilala'y nagkita sa teatro, at kinabukasan ay matalastas ng ating binata ang patatakpong iyon sa dulaan, sapagka't ibinalita ni Edeng.

Ang ating binata'y dalidaling nagpaalam upang ang liham ni Manuel kay Enchay ay dalhin sa isa niyang kakilala na mahusay humuwad ng mga titik, upang magpagawa ng dalawa pa, na iba naman ang nilalaman sa tunay na liham ni Manuel.

At gayon nga ang nangyari.

Nang gabing si Manuel ay umalis sa bahay ni Edeng, na taglay ang tatlong liham, ang ating dalaga'y nilapitan ng kanyang ina:

—Edeng—ani aling Juana—¿Ano ang pinaguusapan ninyo ni Manuel?

—Wala po—ang tugon ni Edeng.

—¿Wala? ¿Akala mo yata'y hindi ko naaalaman ang dahilan ng pagparito ni Manuel? Natatalastas ko na siya'y nangingibig sa iyo noon pang araw at pagiibigan ang iyong pinaguusapan.

—Hindi po nanay. Ang napaguusapan po nami'y ang pagpapatintero, ang pagtatakip-silim at iba pang laronang bata pa kami.

—Huwag kang maglihim. Magsabi ka nang totoo kung ibig mong huwag akong magalit at kung ibig mong mahalin kita ng higit pa sa rati.

—Totoo pong wala kaming napaguusapan tungkol sa pagiibigan.

¿Diyata'y hindi ka magsasabi ng totoo?... Sabihin mo ¿ano ang inyong pinaguusapan ni Manuel ¿Bakit napaparito gabi gabi?

Si Edeng ay hindi sumagot, ang ina'y nagalit at nagpatuloy:

---¿Ano ang laman ng sulat na ibinigay mo kay Manuel?...

¿Ayaw mo akong sagutin?—ang ulit ng ina na lalo pang galit—¿Ano ang laman ng sulat na ibinigay mo kay Manuel?... Hindi mo ba nalalaman na ang binatang iya'y mason ¿Hindi mo ba nalalaman na ang mga mason ay eskumulgado at ang nakikipagkaibigan sa mga eskumulgado'y walang kaligtasan?

—Hindi po.

—Nguni't ngayong naalaman mo na, ay ayokong siya'y kakaharapin mo at pagparito uli ay sasabihin kong huwag na siyang magpaparito sa ating bahay, naaalaman mo?

-Opo.

Si Aleng Juana'y isang babaeng may mabuting puso at mainam na makipagkapwa tao, datapwa't totoong napakabanal at ito ang tanging maipipintas sa kanya.

Si Manuel ay dati niyang kinagigiliwan at natuwa pa nang mahalatang nangingibig sa kanyang bunso; nguni't nang huling gabi ng paguusap nina Edeng ay nakatanggap ng isang kalatas na hindi malaman kung kanino galing, kalatas na nagbabalitang si Manuel ay mason; at dahil doon ay kinapootan ng gayon na lamang. Kung ang balitang yaon ay natanggap nang unang gabi nang pagkikita nina Edeng sa dulaan, ay natira na lamang sila marahil sa pananabik sa mga pagkakataong ikapagkakausap.

Ang pinto ng tahanan ni aling Juana ay nakapinid para kay Manuel; subali't bukas sa binatang makikilala natin sa susunod na bahagi at dahil dito'y palaging malungkot si Edeng; sapagka't sa mula't mula pa'y tinubuan ng wagas na pag-ibig kay Manuel, at hindi na wawaglit sa kanyang isipan ang maligayang panahon nang sila'y mga bata pa.

Datapwa't nang sila'y magkita't magkausap ay hindi nagpahalata kay Manuel, dahilan sa mga balita niyang natanggap. At kung tunay na siya'y inihabilin na nga sa limot ng binatang minahal sapúl pagkabata, ay handa namang taglayin hanggang sa libingan ang pag ibig na namumugad sa kanyang puso.

Si Manuel ay gayon din. At kung nangibig man kay Enchay ay dahil lamang sa sulsol ng isang kaibigan at upang may mapagparaanan ng panahon.

Bagama't si Edeng at si Manuel ay hindi nagkakausap ay nagkakatalastasan naman sa pamamagitan ng mga liham at pawang maligaya sapagka't alam ng bawa't isa na wagas na pag-irog ang katapat ng kanilang walang kasinglaking pag-ibig at may pag-asa sa isang nakangiting hinaharap at sa luwalhati ng kanilang lihim na pagmamahalan.

WAKAS.

Tundo, Sept. 5, 1913.

Aling Puring:

Noong isang linggo pong ako'y dalawin ng maingat kong manggagamot, ay tatlong mahalagang bagay ang ipinagbilin sa akin: "Huwag kang magbabasa—ang wika—huwag kang magiisip, huwag kang magsusulat". Sa mga tagubilin niyang ito ay sandali akong natigilan, bago marahang nakasagot ng "opo". Mangyari'y kasalukuyang binabasa ko pa naman noon ang inyong mahalagang aklat kaya't sa isipan kong hapo'y buhay na buhay pang gumagalaw ang mga larawan nina Edeng at Manuel, at waring sa aking pangdinig ay humahayuhay ang kanilang matatamis na bigkas, mga bigkas musmos na naghihiwatig ng dalawang pusong nasasaputan pa ng kawalang malay, ng kulay na puti ng mga kaluluwang di pa napupukaw ng mapangligalig na araw ng buhay.

Dahil dito'y sasandaling nakapanira sa alaala ko ang mga tagubilin ng aking manggagamot. At babahagya pa siyang nakalalayo sa amin, ay muli ko na namang kinuha ang inyong nabitiwan kong aklat upang ipatuloy ang pagbasa. Naraanan ko ng buong lugod ang mga talatang naglalarawan ng mga "kamusmusan" nina Edeng at Manuel, ang matatamis na sandaling yaon ng kanilang paglalaro ng mga larong ganap na tagalog gaya ng taguan, piko-piko, tubigan, at dumating ako sa mga talatang ang dalawang musmos ay unti-unti nang nangasisipasok sa mapanghalinang "buhay ng damdamin". Pagdating ko rito ay lalong nagulol ang pagkagiliw ko sa aklat kaya't buong pananabik kong sinundan si Edeng at Manuel hanggang sa makarating sa huli.

At ¿ano ang naging kuro ko pagkatapos ng pagbasa?

Huwag ninyong sapantahain na ang sasabihin ko'y likha lamang ng ating pagkikilalang matalik; hindi po, sapagka't labis kong natatalastas na ang isang "epiloguista'y" hindi kaibigan ng sino man, kundi isang kapangyarihang "nagpaparusa" sa may sala at nagbibigay ng gantingpala sa mga magalangin sa kanyang mga batas.

Narito po ang maralita kong pasya:

Na, ang inyong aklat ay busog na busog sa mga kagandahang dapat taglayin ng isang nobela: luwag sa pananalita, ayos sa pagsasalaysay at taas at linis sa mga isipan. Ang kabuuan ng aklat ay maiwawangis sa isang halamang hitik sa mga bulaklak ng pusong tunay na tagalog, pusong gaya ng kay Edeng na pinagtipunan ng yumi at hinhin, ng hinhin at bait, bait at hinhing aring ari lamang ng mga dalaga sa lupaing ito.

Kung ang lahat ng mga aklat na susulatin natin ay maitutulad sa aklat na ito—aklat na naglalarawan ng isang buhay at mga pangyayaring may tatak tagalog, tagalog na uri't lasang tagalog din ay hindi sasalang sa araw ng bukas ay buong dangal na nating masasabi na may wika tayong talagang sarili at damdami't diwa na ating atin din.

Aling Puring: sa wakas ay ipahintulot ninyong umasa ako ngayon pa, na sa mga papuring nasabi ko na rito sa inyo! ay mairaragdag sa mga hinaharap na araw itong mga sumusunod: ORIGINALIDAD sa pananalita at liwanag sa paglarawan.

Ros. ALMARIO.

LUPON NG MGA PARALUMAN.

Asuncion Palma

Asuncion Manahan

Emiliana Santos

Engracia Jacinto

Dolores Chanco

Dolores Medrano

Isidra Reuto

Pilar Navarrete

Pilar Reuto

Pura L. Medrano

Silvinia Chanco

Victoria Santos

PAMUNUAN

Pura L. Medrano, Pangulo

Asuncion Palma, Kalihim

Dolores Chanco, Ingat Yaman


Back to IndexNext