XVII

Ang kalesang sinasakyan ni Elsa at ni Tirso na isangde primerangwalang taglay na bilang sa likod at hila n~g isang masipag na kastanyong ayaw manding madiktan n~g pamalo sa katawan, ay sinusundan n~g dalawa pang mahahagibis ding kalesa na lumiwa sa tapat n~g gusali n~g "Germinal" at paakyat sa tulay n~g Ayala, nang masalubong n~g isa pa ring kalesang kinalululanan naman n~g dalawang lalaking sa wika ni Cervantes naguusap.

Pagkalampas n~g sasakyan nina Tirso ay halos nagkasabay ang pagulat na turing n~g dalawang lalaking kasalubong:

—¡Si Silveira at ang mestisa!

At kapwa hinabol n~g tanaw ang kanilang nakita.

At ang kanilang kutsero ay hinudyatang huminto.

—¿Nakilala ba ninyong mabuti? Dr. Nicandro?—itinanong n~g nasa kanan sa kanyang kaagapay.

—Kailan ma'y hindi ako pinagdadayaan n~g m~ga mata ko, G. Martinez,—ang naging sagot n~g nasa kaliwa.

—Sa pagkatin~gin ko man ay sila rin.

—Kung gayo'y madali tayong magpihit at sila'y tultulan natin.

—Mabuti n~ga,—at sa isang tukoy sa tagapagpalakad n~g sasakya'y sinabi:—Kutsero,vuelta.

N~guni't ang hayop na humihila ay tila suwail na hindi kadaglidagling nakukuha sa m~ga pabiglabiglang ubos. Nagumurong pa muna sa m~ga tabi n~g bakod na parang tumututol sa m~ga hampas na tinatanggap sa kutsero bago pumayag na bumalik n~g lakad at muling tumakbo.

Nang makapihit ang sasakyan ni Dr. Nicandro at ni Martinez ay di na nila mapagsiya kung alin sa tatlong kalesang nagpapatulinan ang kina Tirso at Elsa. Gayon ma'y pinilit nilang magdagdag n~g bilis ang mabilis nang takbo n~g kanilang kabayo, sa nais na mapalapit din sa tatlong nagpapalusutan.

—¡Palo, kaibigan!—ang utos pang nagkakanggagahol ni Martinez sa kutsero.

—¡Buwisit na kabayo!—ang payamot namang saad ni Dr. Nicandro na sinasabayan pa n~g kamot n~g ulo.

—¡Pagkabagalbagal!

—Babayaran ka namin n~gdoble, abutan lamang natin ang isa sa tatlong kalesang iyon,—sinabi pa ni Martinez sa kutsero.

At ang kutsero, sa panghahawak sa karan~galan n~g pan~gun~gusap n~g m~ga maginoong sakay niya ay walang imik na sunod na lamang n~g sunod sa bawa't sa kanya'y sabihin, samantalang ang likod n~g kabayo'y siyang nag-uumasó halos sa malimit na lagpak n~g pamalo.

—¡Kaliwa!

—¡Kanan!

Ilan pang sandali sa paghahabulan at nakita nina Martinez na iisa na lamang ang kalesang kanilang nasusundan. At nagtibay sa kanilang paniwala na iyon ang kinasasakyan n~ga n~g makata't n~g mestisa. Ang iba ay nagsiliko marahil sa ibang daan at hindi na nila mabakas.

—¡Habol, at malapit na tayo!—ani Dr. Nicandro.

—¡Huwag na tayong hihiwalay sa sinusundang iyan kahi't saan makarating!—ang wika naman n~g isa.

Samantala, ang m~ga sanhing naguutos n~g gayong pagtultol n~g dalawang lalaking magkasama sa lakad n~g sasakyan nina Elsa at Tirso, ay mapagkikilala sa ganito nilang salitaan:

—N~gayon tayo dapat maniwala sa kutob n~g ating loob,—ang sabi n~g isa kay Martinez.

—Siya n~ga po, Dr. Nicandro,—ang ayon n~g kapiling.—at ito po'y hindi na kutob lamang n~g loob, kundi isang katotohanan nang itinatalampak n~g m~ga pangyayari sa ating m~ga mata.

—Ako rin ang may kasalanan, kung sa bagay, sa ganitong aking napagsapit,—ang wika pa n~g manggagamot habang nagkukumamot halos ang kanilang kabayo.

—¿Bakit po?

—Sapagka't gayong sa "Club Nacionalista" ay may nahalata na ako ay kung ano't hindi pa nagbago n~g loob sapul noon.

—¿At matagal na rin bang nahahalina kayo sa mestisang iyan?

—Mula pa po noong una kong makita iyan at makatabi sa sine "Ideal". ¿Kayo naman, kailan pa naging paris kong umasaasa sa pagkakapalad sa nasabing mestisa?

-¿Ako? ¡Oh, di ko na ibig alalahanin, doktor! Sukat ang nalalaman na ninyong kapwa tayo sinawi n~g ating pagasa, at wala na. Sa ganang aki'y wala na n~ga pong nalalabi kundi ang masunduan ko n~gayon kung saan naroroon ang pugad na pinagpapasasaan n~g aliw n~g dalawang ibong iyan....

—¡Kundan~gan naman kasi'y nagpakahilam tayo sa babaeng iyan! ¡Parang ipinagtatanong pa natin kung ano ang mestisa!...

—N~guni't kung ang babae po ay di ko pinagn~gin~gitn~gitan; at ang kanyang pagpapahalaga sa iba ay walang anoman sa akin na gaya rin n~g pagkawalang anoman n~g pagkahalina ninyo sa kanya. ¿At di ba ninyo natatantong tayo ay wala kundi dadalawa lamang sa hanay n~g di mabilang na m~ga lalaking paris natin na naaakit din ni Elsa sa minsang pagbabati o sa isang pagkakatitigan kaya? At ang kilos na iyan ni Elsa ay siyang talagang kilos na sarili n~g mestisa.

—¿Samakatwid ay kay Silveira kayo nagtatanim?

—Paano po'y pinamuhunanan ko n~g magandang loob ang lalaking iyan, saka ganito ang iginanti sa akin....

—¡Ah, magkasama n~ga raw yata kayo sa "Philippine Law School"!

—Tangi po sa riya'y nakatukatulong din niya ako sa kanyang m~ga lakad para sa isa pang babaeng kababayan ko pa naman.

—¿At may nililigawan pa bang iba?

—Di po lamang nililigawan, kundi talagang nobya na.

—¿At saka n~gayo'y si Elsa Balboa naman ang kasama?

—¡Iyan po ang labis kong ipinagdurugo n~g puso!

—Tunay n~ga palang angpoetaay walang kabusugan, walang hindi pinipintuho, walang hindi inaawitan n~g kanilang m~ga tulain. ¡Paano ka n~ga ba sa m~ga taong iyan!

—¡Pasasaan ba't hindi ako makagaganti!

Pagsapit dito n~g salitaan n~g dalawa, ay namalas nilang ang sinusunda't ayaw hiwalayang sasakyan ay biglang nagtigil sa isa sa m~ga tagong lansan~gan sa Sampalok.

—¡Aha, at dito pala!—ang sabi ni Martinez, kasabay n~g pigil sa balikat n~g kutsero.

-¡Nalalaman na natin n~gayon!—ang susog naman ni Dr. Nicandro.—Kutsero, huwag tayong pakalapit at baka makita nila.

N~guni't ang kabayong nagn~gin~gitn~git mandi'y hindi napigil n~g nagpapalakad kung hindi nang halos ay mabunggo na lamang n~g kanilang kalesa ang kalesang sinasapantaha nilang kinaroroonan ni Tirso at ni Elsa. Sa gayo'y kapwa walang maalamang gawin sa pan~gun~gubli, dahil sa malaking pagaalaalang sila'y makikita n~g makata at n~g mestisa, kung ang m~ga ito'y magsiibis sa sasakyan. Datapwa't wala nang magagawa; nagkasubuan na. Maghintay na lamang sa pagibis n~g dalawa. Ang dilim n~g gabi ay maaari na marahil na maglin~gid sa kanila sa m~ga mata ni Tirso at ni Elsa.

Nang m~ga sandaling hinihintay nina Martinez at Dr. Nicandro ang panunod na pagpanaog sa sasakyan n~g mestisa't n~g makata, ay siyang paglunsad sa malapit sa kanila n~g isang malaki't mabigat na katawan n~g isang lalaking ang kulay n~g mukha ay nakikipan~gagaw sa dilim n~g gabi.

—¡Isang matabang negro!—ang naibulong na punongpuno n~g mangha n~g kutsero sa dalawa niyang sakay.

—¡Negro! ¡Negro n~ga!—ang hindi naman magkantututong sambot n~g dalawa.

At noon di'y namasdan nilang sila'y nilapita't kinikilala n~g tinurangnegro. At pagkalapit sa kanila'y tumanong:

—What are you doin, here, hombre? Por que sigue conmigo?

Ang kutsero, sa kabiglaana't pagaakalang siya ang tinatanong, ay halos mautal sa pagsagot n~g:

—No gat, sinyor, no gat; mi bueno hombre....

Salamat sa ganitong nakatatawang tugon n~g kutserong nahintakutan n~ga yata sa itim at laki n~g tinukoy na amerikano, si Martinez at si Dr. Nicandro ay kapwa malamig ang loob na humin~gi n~g nauukol na paumanhin matapos na ipaliwanag ang kanilang pagkakamali. Ang amerikano'y anyong nagalinlan~gan pa sa m~ga ipinahayag n~g dalawang magkasama, subali't dahil sa napaghalatang sila'y m~ga tao ring may pinagaralan, alangalang sa kanilang malinis at sanay na paggamit n~g inggles, saka sa mabuting ayos n~g kanilang pananamit na di mahihintay sa m~ga may masasamang loob na dapat paghinalaan sa gayong pangyayari, ay nagkibit na lamang n~g balikat bago tumalikod na pumanhik sa isang bahay na nakaurong sa daan.

Gayon na lamang ang nangyaring tawanan n~g m~ga naliho n~g kadiliman n~g gabi. At habang nililisan nila ang pook na yaon, ang pagn~gin~gitn~git n~g loob ay pinararaan sa matunog na halakhakan.

—¿Perowala ka bang nakitang isang babae't isang lalaki sa m~ga nasalubong natin sa may tapat n~g "Germinal"?—itinanong ni Martinez sa kutserong nagtututop n~g tiyan sa di mapigil na tawa.

—Mayroon n~ga po....

—¿Ay saan nagtun~go?

—Aywan po ba; ang boong asa ko'y talagang ang nasusundan natin.

At si Dr. Nicandro'y halos hindi makapagsalita sa pagiihit n~g tawa.

—¿Ano, G. Martinez, ibig ninyong magbalik tayo sa Pasay upang matiyak kung siya n~ga o hindi ang ating nakita?—ang tanong makailang saglit.

—Hindi na po kailan~gan,—ang tanggi n~g tinukoy.—¿At di ba kayo naniniwalang talagang siya at si Silveira ang nasalubong natin?

—Naniniwala rin, n~guni't ¿nasaan sila? ¿Ano't isang matabangnegroang nakatun~go natin pahinto n~g ating sasakyan?

—¡Ang buwisit nanegro!

At sumunod na naman ang pagkakain~gay n~g tawanan.

Sa mungkahi ni Martinez, ay minarapat n~g dalawang makikisig na binatang kabilang sa, hanay n~g m~ga nabibighani n~g dilag ni Elsa n~guni't di nagtatamong pala, na magtuloy sa isangbarsa Santa Cruz upang kung mangyayari'y lunurin ang malaking pagkabigong kanilang kinamtan sa loob n~g ilang kopita n~g alinmang inuming pumapaso sa lalamuna't dumadarang sa diwa. Anopa't dahil n~ga sa kabiguang iyon at pagkapahiya pa sa harap n~g isang amerikanong itim, ang pagkamanggagamot ni Dr. Nicandro ay walang nagawa kundi makiayon sa gayong mungkahi n~g kasama.

Sinarili ni Martinez at ni Dr. Nicandro ang isang munting mesa na nasa isang dulo n~g tindahang iyon n~g sarisaring alak, n~g sa isipan nila'y walang namumugad kundi ang larawan ni Elsa at ni Tirso na magkapiling n~g boong laya, sa loob n~g isang kalesang aywan nila kung saan nagtun~go.

Ang dalawang binatang ito ay nagkita nang gabing iyon sa liwasang Goiti. At sapagka't nagkakilala sila sa sayawan sa "Club Nacionalista" nang isang gabing kasama ni Martinez si Elsa, ang ginawa n~g manggagamot ay kinaulong ang lalaking ito n~g ang mestisang sinabi ang tukoy n~g kanyang pakikipagusap.

Sa pagniniig nilang iyon ay dili ang hindi sila nagkatapatan n~g kanikanyang loob hinggil kay Elsa, at napagkaisahan n~ga tuloy na sila'y magsadya kapwa sa Pasay, at magpasumalang maganyaya sa mestisa sa pakikigalak sa Bagong Taong bumubun~gad,

Si Martinez na sadyang may ugaling di makapagsarili n~g lihim, at si Dr. Nicandro na masasabi namang halos mahibanghibang na sa n~galan at larawan n~g mestisa, ay kapwa hindi gumamit noon n~g pagkakaila at ang tuyo at lagay n~g isa ay ganap na sumakaalaman n~g isa pa. Anopa't sa wakas n~g kanilang salitaang iyon ay lubusang napagtalastas n~g isa't isa na sila ay kapwa nabibilang sa m~ga lalaking gayong pinagpapakitaan n~g mabuting loob ni Elsa ay kung ano't hindi naman magkamit n~g kanilang minimithimithi. At kapwa sila umamin, lubha pa nitong masalubong n~ga nilang kasarilihan ni Elsa sa dilim n~g gabi si Tirso, na ang m~ga lakad n~g makatang ito ay talagang malayo na ang nararating na kung pakahahabulin pa nila'y dili ang hindi mangyari ang sila'y uyamuyamin at n~gisihan na lamang.

—Wala na tayong nararapat gawin, G. Martinez, kundi ang pawiin na sa ating alaala ang mestisang iyan, ang wika n~g manggagamot nang maparaan sa lalamunan ang unang tungga n~g nakalalasing na inumin.

—¡Ah! Kung sa ganang akin n~ga ay walangwala na ang lahat,—iniayon naman n~g pinagpayuhan.—N~guni't ang hindi lamang yata karakarakang mapaparam sa gunita ko ay ang di mabuting iginanti sa akin n~g lalaking pinautan~gan ko n~g magandang kalooban: si Silveira. Ang ginawi n~g lalaking ito anhin ko mang limii'y humihin~gi n~g nababagay na kapalit, n~g nauukol na paghihiganti....

—¡Hintay kayo!—biglang inihadlang ni Dr. Nicandro sa pan~gun~gusap ni Martinez, at ang m~ga mata'y palihim na itinudla't saka binawi sa dalawa pang lalaking nasa isang mesitang di lubhang kalayuan sa kanila,—Sa may tinatalikuran nati'y tila nauulinigan kong ang pinaguusapa'y dili iba't ang pinaguusapan din natin. ¿Ibig ba ninyong makimatyag?

Ang dalawa ay kapwa nanahimik at tinalasan n~g tayn~ga ang sinasabi n~g nasa kanilang likuran na nang kanilang lin~guni'y hindi naman namukhaan.

At ang narinig nila:

—¡Ganoon ang lalaki! ¡Nasusulit ang pagod! Hindi paris mong sa pamamalakaya sa mestisang iyan ay panay na "talo" at walang "panalo"....

—Ang sabihin mo'y lalong mapalad siya kaysa akin. ¿At ano? Kung ako ang nasa katayuan ni Silveira, ¡hindi ko masabi kung saan na kami nakarating!

—¿Ibig mo bang sabihi'y hindi mo magagawa ang paris n~g ginagawa ni Silveira?

—Ang sinasabi ko ay magagawa ko ang paris n~g iyong hinahan~gaan sa kanya, kung ako ang nagkaroon n~g kapalarang maghari sa kalooban at pagibig ni Elsa.

—¡Ikaw pala! Sa salitaang nauukol sa babaeng mestisa, ay di na kailan~gan ang paghahanap o paghihintay n~g kapalaran. Ang pagkakapalad n~g isang gaya natin sa harap n~g mestisa, ay di sa mestisa nanggagaling kundi sa atin din. Ang mestisa ay hindi kagaya n~g ating m~ga babaeng ibig na'y ayaw pa. Ang kaibang sangkap n~g dugo n~g isang paris ni Elsa ang nagbibigay sa kanya n~g kaibhan sa wagas na pilipina. Kung sa bagay ay di ko natatalos ang "hulo at luwasan" n~g m~ga lakad sa kanya ni Silveira, n~guni't gayon ma'y hinuhulaan kong kung nagkapalad man ang lalaking iyan ay sapagka't natutuhan niyang tugunan ang m~ga lihim na han~garin n~g mestisa. Nalurok niyang si Elsa ay may kaluluwa na laging nauuhaw sa hamog n~g kabataan, na ang puso'y lahad na parati sa dilig n~g sarisaring aliw na idinudulot n~g kamunduhan; si Silveira nama'y walang sinayang na pagkakataon, at ang lahat n~g iyo'y kanyang inihahandog n~g ubos kaya... At kung kayo n~g makatang iya'y may pagkakaiba, ay sa dakong iyankayo talagang nagkakalayo.

—N~guni't si Elsa Balboa ay hindi paris n~g balanang mestisa. Sa dinamidami n~g naaamuyan kong nan~gin~gibig sa kanya, ay iisa lamang naman si Silveira na nakalalamang sa akin. Di siya katulad n~g ibig mong ilarawan na may pusong tuwina'y may pitak sa sangdaan mang pan~galan.

—Kung bagaman ay sa dahilang hangga n~gayo'y nagiisa pa rin si Silveira na natututong bumagay sa maiinit na sulak n~g dugo ni Elsa. Subukin mong gawin ang m~ga "kasanayan" n~g makatang iyan, at makikita mong ako'y hindi nagpapakalabis sa aking m~ga hakahaka.

—¡Aywan n~ga ba sa mestisang iyan!...

—Paris n~gayon: ¿ano ang napanood natin? Samantalang ikaw at ang tanang paris mong tutulogtulog ang damdami't waring naglalaway sanhi sa pagkatin~gala sa isang manggang nakabitin sa puno, si Silveira naman ay boong pagwawaging nagdaan sa harap nati't kakawit-bisig ang mestisa na pumanhik sa isanghotel....

Pagkarinig nina Dr. Nicandro't Martinez sa dakong ito n~g salitaan n~g dalawang lalaking hindi nakikilala, bagaman alan~gang asalin n~g gaya nila ay kapwa sila nagtangkang makilahok sa gayong paguusap, upang kung sakasakali'y kanilang matalos kung alinghotelang binanggit na iyon. Datapwa't hindi naman nangyari, palibhasa ay panunod nang nagsilabas noon din sa pintuan n~g tindahan ang m~ga lalaking kinaringgan n~g gayong salitaan.

—¡Si Elsa at si Silveira sahotelsa ganitong oras! —ang pakagat-labing nasambit ni Martinez.—¡Ah, talagang ang kapalaran ay kanila na!

—Kaya dapat na tayong magpugay sa kanila,—ang wika naman n~g manggagamot.

—N~guni't kung hindi ang buwisit nanegro, sana'y hindi nila tayo napaglihuan.

At ang dalawa man naman ay nagsilabas na rin.

Sa nais manding ganap na malimutan ang gayong dagok n~g kasaliwaan ay nagkaisang magpapauwi na kapwa n~g bahay at hindi na tuloy makikibahagi sa kasayahang pinagpupuyatan sa lahat n~g dako.

—Kinakailangang gamitin ko na n~gayon ang lahat n~g paraang aking magagamit sa ikapagwawagi n~g aking m~ga adhika,—ang naibulong ni Elsa sa kanyang sarili samantalang pinagmamasdan niya ang masasayang kilos ni Tirso nang sila ay nagsasalo n~g boong lugod sa isa sa m~ga mesa n~g "Hotel de Francia".

At may katuwiran si Elsa upang magsaloob n~g ganyang balak. Ang damdamin at palagay na kanyang nadadama sa bawa't kilos at pan~gun~gusap n~g makata nang gabing iyon, ay talagang di na kagaya n~g dating may lamig n~g yelo n~g pagkawalang pakiramdam, kundi may init na n~g apoy n~g isang kaloobang pinapagaalimpuyo n~g lihim na pagiimbot. Ang ginawang paghawak ni Tirso habang nasa kalesa sila sa kanyang dalawang maliliit na kamay na binibigyan pa n~g bahabahagyang pisil na isinasaliw sa kahi't anong sabihin; ang pagpaparinig sa kanya noon n~g m~ga halimbawang may dalawang kahulugan na kung minsa'y makakiliti at kung minsa'y makakalamkam; at ang malimit na paglalagay sa pinggan niya n~g sarisaring ulam nitong nagsasalo na sila; saka ang mahigpit na pagtanggi't pagkakaila ni Tirso nang banggitin niya't pakibalitaan si Teang; ang lahat n~g ito ay m~ga pangyayaring mahigpit sa kailan~gan upang siya, si Elsa, ay magkapaniwalang si Tirso ay dili ang hindi n~ga natatawag na sa di karaniwang alindog na tinataglay n~g kanyang pagkamestisa.

—At ang paraang dapat kong gamiti'y ang lunurin siya sa galak, lasin~gin ang puso niya sa alak n~g aliw at kung mangyayari'y suubin ang kaluluwa niya n~g kamanyang n~g ligaya, hanggang sa pumaimbuyog sa lawak n~g pan~gan~garap ang kanyang diwang kapatid n~g m~ga salamisim,—ang wika pa ni Elsa, habang tanggap siya n~g tanggap sa bawa't putaheng sa kanya'y idulot n~g makatang kapiling.

Sinabayan muna n~g mestisa ang pagtagay n~gvaldepeñasni Tirso bago muling ipinagpatuloy ang lihim na pagduduklay sa sarili n~g ganito:

—Ang ginawa n~g pari sa hihigan ni Teang na natutop ni manang Magda sa tahanan ni tia Basilia ay mabuting ipaghintay ko na muna n~g ibang pagkakataon para ibalita sa kanya sa ayos na magalin~gin ko. Kung iyo'y n~gayon ko sasabihin, anomang balatkayo'y hindi makagigitaw at ang dibdib niya'y papasuking walang sala n~g malaking kalumbayan. Kung magkagayon ay nan~gan~ganib akong maparam na nama't sukat ang ganitong kanyang m~ga kilos at palagay na sa masid ko'y nan~gan~gako n~g aking nalalapit na tagumpay....

—Elsa,—ang sa malambing na tinig ay itinawag sa kanya n~g makatang kasalo, tawag na siyang gumambala sa kanyang pagmumunimuni. —¿Nahuhulaan mo kaya ang sukat isaloob n~g m~ga taong nakamamalas sa ganito nating anyo?...

At ang tanong na iyo'y lalo pang nagparamdam n~g kasiglahan n~g pagasa sa m~ga lamad n~g puso n~g dalaga at siyang nagpapula n~g kanyang mukha sa sandaling iyon. Kaikailan man ay di siya nakaririnig n~g gayong pan~gun~gusap na iniuukol sa kanya ni Tirso. Subali't ¿ano ang marapat niyang itugon?

—Hulaan mo n~ga, Elsa, ang iniisip n~gayon n~g m~ga taong iyang nagtin~gintin~gin sa atin,—ang pan~giti pang saad n~g makata, kasabay ang panakaw na pagpupukol n~g sulyap sa m~ga iba pang taong nagpapasikip sa malakinghotelna iyon.

—¿Hulaan ko?—ang sa di kawasa'y ipinakli n~g mestisa,—Ang aking hula ay iniisip nilang sila'y nakakikita n~g isang lalaki at isang babae na nagsasalo sa mesitang itong ating pinaghaharapan....

—¡Mabuting panghuhula! N~guni't hindi iyan ang ibig kong marinig sa iyo....

—¿At alin pa?

—Nakakikita n~ga sila n~g isang babae't isang lalaki sa mesitang ito; n~guni't ang kung ano ang kanilang ipinalalagay na sanhi n~g ganitong pagsasalo ay siyang ibig kong hulaan mo.

—¿Sanhi n~g pagsasalo? ¡Alin pa kung hindi ang pagkain!

—¡Kay pilyapilya mo!

—¿At ano? ¿hindi ba tama ang aking hula?

—Pagkain n~ga ... subali't ¿magano ang palagay nila sa atin? Alalaong baga: ¿magkapatid o magkaibigan? ¿magkaibigan o magsinggiliw, ¿magsinggiliw o magkaaway?

—¡Magkaaway!...

—¡Diyan ka natalo!

—¿Ikaw: ano ang hula mo?

—¿Ang hula ko? Ang hula ko'y ... itinuturing nilang tayo ay dalawang pusong iisa ang tibukin....

—¡Tirso!...

—¿At ano? ¿Hindi?

—Makikita mo't iiwan kita, kapag ganyan pagkapilyopilyo mo....

—¿Iiwan mo ako? ¿At kanino ka sasama?

—¡Salbahe!

—¿Kung kanino n~ga, eh?

—¡Sa lelang mong panot!

—¡Pilya!

At biglang itinungga ni Tirso ang nalalabing laman n~g kopang nasa harap niya. Pagkatapos ay nagmukhang malungkot, saka itinanong sa mestisa:

—¿Kung iiwan mo n~ga ako, Elsa, ay kanino ka sasama?

—¿Nahihibang ka ba, Tirso? ¿Ano ang nangyayari sa iyo?

—¿Malinaw ang aking pagiisip. Datapwa't nais ko lamang na magkaroon na n~g wakas ang m~ga pagaalinlan~gan ko....

Sumikdo ang dibdib ni Elsa.

—¿Pagaalinlan~gang paano?—kanyang itinanong.—¡Sukat na n~ga, Tirso, iyang m~ga kaululan! Limutin mo muna ang iyong pagkamakata....

—¡Kaululan ... pagkamakata!...

—Ako'y bantad na sa iyo....

—¿Bantad na paano?

—Na ako'y may labis nang pagkakilala na ikaw ay nagsasalitang lumilipad sa malayo ang isip....

—Iyan ang hindinghindi mo mapatutunayan.

—Ako ay may pinagbabatayang m~ga pangyayari....

—¿Pangyayaring ano?

—Itigil mo na muna iyang kaululan, sabi eh ... Ang isipin mo ay kung saan tayo nararapat dumalo pagkakain natin: o sa Pandakan na o magdaan pa kaya sa inyong klub.

—Sa klub muna namin.

—Maging saan man ang tun~go nati'y dapat mong paggayakan kung ano ang imamatuwid mo, sakaling makarating sa m~ga tayn~ga ni Teang ang ganitong ating pakikipaglamay sa kasayahan n~g gabing ito.

—Si Teang ay wala na sa akin, at ni di ko maalaman kung saan siya naroroon sa m~ga oras na ito.

—¿Wala na sa iyo? ¿Ay kapag naalaman mo kung saan siya naroroon?

—Magkagayon ma'y wala akong sukat na ikabahala.

—¿Tunay?

—¡Tunay na tunay!

At ang mestisa ay nan~giti. At ang makata ay napatitig.

—Sabihin mo n~ga, Elsa, kung saan naroon si Teang.—ani Tirso mayamaya.

—¿Sabihin ko sa iyo?—ang tanong n~g dalaga.

—Kahi't wala na siyang anoman sa aki'y ibig ko lamang matalos ang kinadoroonan niya.

—¡Talagang may pagmamalasakit!

—Wala, Elsa....

—Hamo't mayamaya, at kung hindi matuloy ay sa iba nang araw.

Nagkataon namang sa lalapit ang tagapaglingkod na may idinudulot na malamig na sorbetes, bilang pangwakas na nasasaysay sa di pangkaraniwangmenuna inihandang pangbagong taon n~g "Hotel de Francia."

Nang sila ay manaog sa gusaling yaon, ay kasunod na nila ang kung anoanong bulun~gan n~g m~ga taong mapagbigay n~g kahulugan sa kahi't anong makitang kilusan n~g isang babae't isang lalaki na gaya na n~ga n~g kina Tirso at Elsa.

—¡Masama ang lagay n~g dalawang iyon!

—Malamang na malayo ang abutin n~g kanilang m~ga lakad....

—Pagkakabisala'y may maipagsusulit silang masarap na ... Bagong Taon n~gayon sa kanikanilang m~ga magulang.

—¡Ang asal n~ga naman n~g kabataan sapanahong ito!

—¡Sa aba n~g m~ga ina at ama na naninibulos n~g pagtitiwala sa kabaitan n~g anak!

At ang mestisa't ang makata, makailang saglit pa, ay kasalamuha na sa di magkamayaw na taong naglisawlisaw mula sa Plaza Moraga hanggang sa pasalapang na dulo n~g Escolta.

Sa m~ga pook na sinabi, gaya n~g ginagawa sa taon-taon, nang gabing iyo'y lumundo ang di mabilang na taong kung saansaang dako nagbuhat, m~ga taong paraparang kinababadhaan sa mukha n~g kagalakang hindi masayod. Sa magkabilang bangketa at hanggang sa gitna n~g lansan~gan ay salusalubong ang m~ga nagbibiruan n~g boong tiwala. Naghihiyawang animo'y m~ga kawal na galing sa pinagwagihang digma. May pinatutunog n~g ubos lakas na m~ga pakakak o tambol, lata o anomang bagay na makatutulong sa kaingayan. Naghahagisan n~gconfettihanggang sa man~gapuwing at man~gasamid. Nagsisiluan n~g mahahabangserpentina. Lumalakad n~g papasingpasing; umaanyo n~g katawatawa; nagpapahid sa mukha n~g kung anoanong kulay; n~gumin~gisi, sumisigaw, humahalaklak ... Anopa't kung ang Bathalang sinasamba n~g m~ga taga mundong ito ay siyang tunay na Bathalang nakababatid n~g tanang ginagawa n~g Kanyang m~ga nilikha, ay labis na sanang makapagpalubag n~g Kanyang poot ang gayong pagdurumog n~g Kamaynilaan sa walang habas na pagdiriwang bilang tanda raw n~g pasasalamat sa Kanya tuwing sasapit ang paghahalili n~g m~ga taóng binibilang sa kabuhayan n~g m~ga tao. At ang bayang ito ay di na sana Niya inibig na ipadalaw na lagi sa sarisaring salot at kapan~ganyayaang gaya n~g kolera, pagsasalat sa ani at pangdadayupay n~g m~ga dayuhan....

Subali, sa may napapala o wala man, sa natatalos o hindi ni Bathala ang gayong inaasal, ang totoo'y mistulang ulol n~ga ang lahat kapag gayong gabi na n~g pagsalubong sa Bagong Taon. Sa m~ga, bahaybahay ay halos m~ga sanggol lamang na walang isip ang natitira sa higaan. Babae't lalaki, lipas ma't nasa kapanahunan, ay dili ang hindi nagbabata n~g puyat at nakakayag na magsadya sa Escolta at sa pakikipaggiitan sa kapal n~g tao'y doon na naghihintay n~g pagtugtog n~g ika-12 n~g hatinggabi. Pagsapit n~g oras na ito, ay nagsasabaysabay namang gigimbal sa apat na panulukan n~g himpapawid ang m~ga sipul n~g m~ga pagawaan at sasakyang dagat; ang m~ga batin~gaw ay magsisiawit n~g ubos kaya mula sa kanikanilang kinalalagyan sa m~ga taluktok n~g simbahan, hudyat na nagbabalita sa lahat na bagong yugto na naman n~g panahon ang humahandog sa buhay n~g tao.

At si Elsa at si Tirso ay nagdaan pa n~ga muna sa Escolta na kaparis n~g balana.

Ang buhok n~g mestisa ay sinaliksik at ginusot n~g m~ga saboy n~gconfetti; ang m~ga tayn~ga ni Tirso ay nabin~gaw halos sa itinututok na sigaw n~g m~ga tambuli, at sila kapwa, bagaman magkakawit n~g bisig at di naglalayo bahagya man, ay nagbata n~g di gagaanong pagkalukot n~g damit at pagkalupiras halos n~g boong katawan ... Gayon man ay lalo pa silang nagalak, katulad n~g madlang nakasalamuha nila. At kung hindi lamang totohanan nang wala silang daan upang masilip man lamang ang sayawang ginagawa sa binilogbilog n~g liwasang Moraga, disi'y nalimutan na nila ang pagsasadya sa Pandakan, matapos na magpalipas n~g m~ga lima o sampung tugtugin sa sayawan sa balitang klub sa Avenida Rizal.

Ibinabalita na n~gang kasalukuyan n~g m~ga sipul n~g pagawaan n~g yelo n~g pamahalaan at n~g m~ga sasakyang nalilimpi sa palibidlibid n~g ilog Pasig ang maluwalhating pagpasok n~g taong 1916, nang si Elsa at si Tirso ay magkakawit ang m~ga palad na sumasakay sa isang munting bangka na, animo'y maitim na kabaong na lumulutang sa ibabaw n~g mahinhing agos n~g ilog sa may Nagtaha na ang tubig noo'y nakikikulay sa kadiliman.

—¡Elsa, lumigaya ka nawa sa Bagong Taong ito!

—¡Tirso, maging mapalad ka sana sa m~ga pan~garap mo!

Dinatnan n~g dalawa ang isang lalaking may kagulan~gan na, na sa anyo at pagbabansag ay napagkilala nilang siyang tagapagpalakad n~g tinurang sasakyan. Ayon sa pahayag n~g lalaking iyon, ang bangka niya ay isa sa labingdalawang bangkang sadyang inilaan n~g maypiging sa Pandakan upang ipaglingkod na talaga sa tanang dumating na panauhin. At ang ganyang pahayag ay pinatitibayan naman n~g m~ga napapansin n~g magkasama na m~ga palamuting palaspas n~g niyog, maliliit na watawat at m~ga parol hapóng walang sindi, saka tanikalang papel na nagsalabat sa lahat n~g panig n~g nasabing bangka.

Narinig ni Tirso na painong itinanong ni Elsa sa matanda:

—¿Bakit po wala kayong ilaw?

At ang naging sagot n~g pinagtanun~gan:

—Kanina pong maagaaga pa'y mayroon, n~guni't pawang nan~gamatay sa hihip n~g han~gin.

Si Tirso, na nang gabing iyo'y napanibaguhan n~g malaki ni Elsa dahil sa m~ga kilos at pananalitang kung tayahi'y parang nagpapahayag na ang mestisang ito na lamang ang tan~ging naghahari sa kaibuturan n~g puso niya; pagkarinig sa gayong pagbanggit n~g tungkol sa ilaw ay malamyos na bumulong sa kanyang kapiling.

—¿Bakit, Elsa, iniino mo pa ang pakawalang ilaw?—anya.

—¿Nadidimlan ka ba sa piling ko?

Si Elsa'y biglang nakaramdam n~g kaba n~g dibdib. ¿Ano na kaya ang ibig sabihin n~g gayong pagtatanong?...

—Sabihin mo, Elsa,—ang wika na namang narinig sa lalaki,—¿natatakot ka bang makipagsarilihan sa akin sa laot n~g kadiliman at sa loob n~g isang bangkang paris nito na tila duyang inuugoy sa ibabaw n~g tubig?

At ang mestisa ay nangliliit manding sumagot n~g bahagyang:

—Hindi naman, Tirso....

—Kung hindi, ay ¿bakit mo pa pinapansin ang kawalan n~g ilaw?

—Mangyari ay madilim.

—Tayo, Elsa, ang hindi ko malaaman kung kailan pa mangyayaring magkaisa n~g iniisip at dinaramdam....

—¿At hindi ba totoong madilim?

—¡Aywan n~ga ba sa iyo! Sa ganang akin, kahi't natuturang madilim na ganyan ang gabi,—kung ganitong kasama kita, kasarilihan sa laot n~g katahimikan at lin~gid sa mata n~g m~ga makasalanang tao, ay ... kalabisan na lamang ang liwanag n~g iba pang ilaw.

Mistulang nasusian ang bibig ni Elsa. Kaikailan man sa malimit na pagtitiwala niya n~g kanyang pagkadalaga sa pagkalalaki ni Tirso, ay noon lamang siya totohanang sinidlan n~g takot sa makatang ito.

Kinusa niya ang pagliham kay Tirso upang ito ang kanyang makasama sa pagdalo sa Pandakan, pagkapalibhasa'y hinahan~gad niyang pataban~gin ang loob n~g nasabing makata sa pagkababae ni Teang sa bisa n~g ibabalita niyang "himala ni pari Casio" na napatanghal sa bahay n~g kanyang ale: at ang pagtabang n~g loob ay kanyang hinahan~gad, upang mapapagiba niya n~g hilig ang m~ga pan~garap n~g makatang iyan, matutong umunawa sa masisidhing pitlag n~g kanyang puso, at kung mayayari'y matuto ring magpahalaga't tumugon n~g nararapat sa lihim na pita n~g kanyang kaluluwa. Ang ganitong tun~guhin ay siyang namumugad sa kanyang isipan, kung kaya't nang mapanhikan ni Tirsong siya'y nakasuot pangloob lamang ay hindi na siya nagkubli. Ito rin ang nagatas sa kanyang matiwalang pagsalo sa makatang iyan sahotel. At siya rin namang nagbigay sa kanya n~g balak na kung maaari'y lunurin na niya noon sa alak n~g aliw ang boong pagkalalaki n~g tinurang makata upanding magkamit na lamang n~g kasiyahan ang kanyang m~ga hinahan~gad. Subali't n~gayong ang kanyang pain ay tila hihigitin na, at ang ibong pagkailapilap ay waring darapo na rin sa iniuumang niyang bitag, ay aywan ba niya't kung bakit siya na rin ang nagkagayong nasindakan n~g loob, napatdahan n~g dila at pinanglamigan n~g boong katawan. Higit kailan man ay noon pa lamang naniwala ang kanyang pagkamestisa na siya pala ay babae ring katulad n~g manipis na kristal na napapan~ganib na lubha kapag nalalapit sa matigas na bakal....

—¿Malayo pa po ba tayo sa pampang, mama?—ang naitanong na lamang makasandali ni Elsa sa tagapagpalakad n~g bangka.

—Malayolayo pa rin po,—itinugon n~g matandang nakapatag n~g upo sa isang dulo n~g sasakyan at walang tahan n~g kasasagwan.

At si Tirso ay may sinasabi na naman sa lalo pang paanas na salita:

—¿Ikinaiinip mo na ba, Elsa, itong pamamangka natin?

At ang mestisa'y pumakli:

—Baka ako'y pinakahihintay na n~g aking kapatid....

—Sinasabi ko na n~ga ba't talagang nagkakalayo tayong lagi n~g pagaakala!—pabuntonghinin~ga pang saad n~g makata. Saka idinugtong:—Samantalang ang ibig mo ay agad tayong makaahon sa pampang, di ko na lamang naman anhi'y huwag nang matapos ang pamamangka nating ito....

—Tirso, di ko pala dapat paniwalaan ang sinabi mo kanina nang tayo'y nasa bahay pa....

—¿Alin iyon?

—Yaong winika mong kahi't abutin tayo n~g umaga sa pakikipagsayaw sa Pandakan, ay natatalaga ka ring makikipagtagalan at di magsasawa. ¿Alin pang sayawan ang tinukoy mong kahi't abutin n~g umaga, kung ganyang nasa pamamangka palang ganito ang iyong loob?

—Nasabi ko iyon sa kahulugang saan man tayo makarating at saan man tayo maparoon ay natatalaga akong umagahin sa iyong piling ... At sapagka't dito man sa bangka ay nasa piling mo rin ako, kaya baga aking pinanghihinayan~gan ang madaling ikatatapos n~g ating pamamangkang ito.

—N~guni't sayawan at hindi pamamangka ang ating ipinarito....

—Sa ganang aki'y iisa ang katuturan niyan, kailan pa ma't tayo rin ang magkapiling, ang magkapareha, ang magkaakbay ... At kung ako'y pamimiliin mo kung alin sa pagsasayaw at sa pamamangka ang aking ibig, ay masasabi ko sa iyo n~g boong pagtatapat na ibig ko na ang ganitong pagsasarili natin sa ibabaw n~g payapang tubig kaysa magtun~go pa sa maalin~gasn~gas na sayawan.

Hindi na maalaman n~g babae kung ano ang kanyang isasagot.

Ang himig n~g m~ga katagang iyan, na bagama't marahang ibinubulong sa kanya'y naririnig naman n~g boong linaw hanggang sa liblib na liha n~g kanyang puso, ay labis na nakababalisa sa kaluluwa niya at nagdudulot sa kanyang diwa n~g di mapaglabanang pan~gamba.

Nang ang makatang yao'y anyong nagbibin~gibin~gihan sa m~ga silakbo n~g kanyang naglalatang na damdamin, marahil ang m~ga katagang iyan at hindi iba ang pinananabikan niyang marinig. N~guni't ngayong ang m~ga iya'y boong lambing nang umaalin~gawn~gaw sa kanyang m~ga pangulinig, nanggagaling sa m~ga labing hirati sa pag-awit n~g mapapanglaw na hibik n~g puso't taghoy n~g kaluluwa, n~gayon n~ga, ang pagkababae niya ay kung ano't parang tinatawag n~g kapan~ganyayaang sukat ikabalino n~g lalong matining na kalooban.

Nagunita ni Elsa na ang lalaking yaon na kinahahabilinan noon n~g boo niyang puri ay may kinabibighaniang ibang alindog: si Teang. At ang tinatangka niyang paglalarawan sa babaeng ito sa harap n~g naturang lalaki sa anyong sukat ipamutla n~g mukha't ipangrimarim n~g budhi, ay hindi pa niya nagaganap. ¿Hindi kaya isang marun~gis na pagiimbot lamang ang umaaling iyon kay Tirso upang gumamit n~g gayong m~ga bigkasin at kilos na lubhang nakababahala sa kanyang pagkadalaga?...

Tila ang m~ga napagdaranasan ay nagtuturo kay Elsa na ang pagiin~gat kailan ma'y hindi kalabisan, at ang malabis na pagtitiwala sa lalaki kung minsa'y maaaring magbudlong sa babaeng gaya niya sa ban~gin n~g pagkapariwara....

—¿Ito po ba, mama, ang ilog na sinasabing pinamangkaan daw yata ni Balagtas at n~g kanyang Selia?—ang narinig na naman ni Elsa na itinatanong ni Tirso na nakapalin~gon sa matanda.

—Hindi po,—ang naging sagot,—tila po ang nababanggit sa "Florante at Laura" ay ang m~ga ilog n~g Kahilom at Beata.

—¿Malayo po ba tayo n~gayon sa m~ga ilog na iyon?—ang usisa pa ni Tirso.

—Sa Beata po ay malapit na, n~guni't ang Kahilom ay may kalayuan pa.

At ang mestisa na naman ang kinausap na pabulong n~g makata.

—Elsa,—anya,—¿nalalaman mo ba kung bakit pinakikibalitaan ko ang m~ga ilog na nilakbay n~g Hari n~g m~ga, Makatang Tagalog?

—¿Bakit n~ga?

—Sapagka't ... ibig ko sanang ipagpalagay n~gayon, kung tayo ay nasa alinman sa m~ga ilog na iyon, na ako ay si Balagtas at ... ikaw naman ang aking Selia.

—N~guni, Tirso, sa kasaysayan n~g Balagtas na iyan ay ¿nasasabi bang siya ay nagkaroon n~g dalawang Selia?

—Hindi.

—Kung gayon, kahi't makata ka, ay hindi mo maipagpapalagay na ikaw ay si Balagtas.

—¿At bakit? ¿Dalawa ba ang Elsang kinakaulayaw ko sa sandaling ito?

—Hindi n~ga; datapwa't samantalang di mo napapawi ang paniwala kong ang iyong Selia'y si Teang, n~gayong magkasarilihan tayo sa gabing ito ay di ko masasangayunan ang iyong halimbawa....

—¿Ang Selia ko'y si Teang? ¡Isang paratang na salat na salat sa katotohanan! Si Teang ay malayo na, nagpakalayolayo upang patibayan ang wika ko sa iyo na ang pagkikilala namin ay ganap nang natapos; at sa kalaliman n~g hatinggabing ito ay ikaw ang aking kaniig at siyang tan~ging pinaghihin~gahan n~g lalong dalisay kong damdamin. ¿May iba pa kayang Selia ang makata sa sandaling ito, Elsa, liban sa iyo?

Minsan pang natigilan ang mestisa. Nagaagawan sa kanyang panimdim ang pagibig at pan~gamba. Iniibig niya si Tirso; n~guni't sa dahilang di niya hinihintay na magkakaroon n~g gayong pagtuturing ang makatang ito sa gabing iyon n~g kanilang paglalamay, ay nan~gan~gamba naman siyang baka iyo'y kung ano nang babala n~g kanyang kapariwaraan.

Salamat na lamang at ang pagkakatigilan nilang dalawa ay ginambala n~g mahinang salita n~g matandang tagapagpalakad n~g bangka.

—Sadsad na po tayo.

At siya n~ga naman. Nang lin~gunin ni Elsa't ni Tirso ang dakong dulo n~g bangka, ay naanag-agan nilang isang dangkal na lamang halos ang layo sa lunsarang pampang.

Sa gayo'y maluwag nang nakahin~ga ang dalaga.

Ang makata naman ay dili ang hindi nakapagbitiw n~g isang malalim na buntonghinin~ga.

—Pandakan na po,—ang saad n~g matanda;—at ang bahay na iyong natatanaw nating sagana sa ilaw, ay siya ninyong patutun~guhan.

—Marami pong salamat,—ang nagkapanabay na sambot n~g magkasama.

Mula sa malayo ay may makapangyarihang tinig na sumi~gaw:

—¿Elsa?

At ang tinig ay nakilala n~g mestisa: sa kanyang kapatid.

—Oo, ako n~ga,—itinugong kakabakaba ang dibdib sa pagdadalang takot.

At ang tumawag ay napaharap noon din sa dalawa.

—¿Sino ang kasama mo?—ang may katigasan pang tanong n~g sumalubong.

—Si ... Tirso,—ang sagot n~g dalaga.

—Ako,—ang pakilala naman n~g makata.

At, noon din ay samasamang lumakad ang tatlo n~g ang sinoman sa kanila'y hindi nagbibitiw n~g kahi't isang salita....

Malungkot si Elsa.

Ang mukha niyang datidati'y pinaaaliwalas n~g nagtatamisang n~giti na malimit mamilaylay sa kanyang mayuyuming labi, nang hapong yao'y pinapan~gulimlim n~g isang kalumbayang tinutugunan sa puso n~g mapapait na tibukin. Ang m~ga balintataw niyang may kislap n~g tala ay nagmistulang alitaptap na bahagya nang makagitaw ang liwanag sa sun~git n~g kapighatian.

At ang sanhi n~g lahat ay mapagkikilala sa isinasaysay n~g kalatas na itong kanyang sinusulat sa gayong pagiisa sa loob n~g kanyang tahimik na silid:

"Pasay, Enero I, 1916."

"TIRSO:"

"Aywan kung nahulaan mo ang tunay na kahulugan n~g m~ga kilos na ating napuna sa kapatid ko kagabing tayo'y magkaakbay na umahon sa Pandakan, N~guni't ang totoo, ay tinanggap ko sa kanya, oras na pagkauwi namin n~g bahay at pagkatalikod mo, ang di maulatang galit na kanyang ibinabaw sa akin dahil sa pagkabalam n~g ating dating sa bayang sinabi."

"¡Oh, gayon na lamang ang iyak ko!"

"Kung hindi pa ako nakalasap n~g di gagaanong mabuting pagtin~gin at pagpapalayaw n~g kapatid kong ito, marahil ay di ko pa pakadaramdamin ang ganitong poot niya sa akin ... ¡Pagkahiraphirap n~ga n~g ganitong napagsapit ko!"

"At sapagka't kung tutuusi'y ikaw lamang, Tirso, ang tan~ging pinagbuhatan n~g lahat n~g ito, ay itulot mong sa iyo ko rin tan~ging isiwalat ang binabata kong hirap, upang kung tunay na nagbubuhat sa ubod n~g iyong mahabaging puso ang m~ga pamimigkas na iyong ipinasinaya sa akin kagabi, ay matapunan mo ako mula riyan sa iyong katiwasayan hanggang dini sa laot n~g walang kahulilip na pagluha, n~g iyong mapagkandiling paglin~gap...."

"Lin~gapin mo n~ga, Tirso, ang ganitong kalagayan kong napagsapit alangalang sa iyo ... Alangalang sa iyo sapagka't ang pagiisa kong kasama mo nang tayo'y mainip na salubun~gin n~g kapatid ko sa lunsaran sa Pandakan ay siyang pinagmulan n~g lahat niyang pagkagalit sa akin."

"Dapat kong ipagtapat, Tirso, na nakagawa n~ga ako n~g malaking pagkakasala. Nang sila n~g hipag ko ay bago magtun~go sa bayang nasabi ay hiniling ko sa kanilang ako'y iwan na at may katipanan lamang na ilang kaibigan dalaga na sa gabi na darating doon. Naniwala sila. At pinakahintay n~gang darating ako sa Pandakan n~g ang kasama'y m~ga babae ring paris ko. Datapwa't nagdatin~gan daw roong sunodsunod ang madlang pananuhin at ang tanang kakilala namin, anino ko man anya'y hindi nila makita at sinoman sa m~ga yao'y walang makapagsabi kung ako'y saan naroon at kung darating pa o hindi na."

"May palagay ako na ang malimit na pagtatanong tungkol sa di ko pagsipot n~g kaibigan naming naghanda ang siyang nakapagulol na lalo sa kainipan at kung anoanong sapantaha n~g aking kapatid. Bakit ay mahigit daw sa tatlong oras na pinamutian siya n~g mata't nagtila kaning nagpakapanghal sa pagaabang sa lunsaran, n~guni't ang kung bakit di ako dumarating ay hindi niya masayod liripin."

"Laban sa dating lubusang pagtitiwala niya sa aking pinagaralan, ay itinanong sa akin n~g kapatid ko, sa ayos na kapitapitagan at nakapangyayari, kung ano ang di sasalang sinasapantaha n~g balanang nakabatid sa gayong ating ginawa, na anopa't para bang inilagay sa alinlan~gan ang kalinisan n~g pagkababae ko buhat sa gabing iyon...."

"Tinunton at pinanghinayan~gan ang m~ga pagpapalayaw na kanyang ipina-utang sa akin, at sa paniwala raw niya'y labis ang aking napagaralan upang mapagtalastas ko ang pan~git at kapuripuri, ang masama at mabuti. N~guni't ang ginawa ko raw na iyon ay dapat lamang umanong hintin sa m~ga babaeng talipandas, halaghag at walang pinagpapakundan~ganang pan~galan sa harap n~g Kapisanan."

"Bakit ang isa pa ay kulang na lamang ang ako'y itulak sa hagdanan upang masabing ako ay itinataboy. At halos tiyakin na sa aking ikinahahalay na n~g kanyang pan~galan ang pananatili ko sa lilim n~g tahanang ito...."

"Ang lalong masakit nito ay ang ginawa niyang walang pigil na pagsasalita sa akin sa naririnig n~g aking hipag, n~g hipag kong matagaltagal na ring may hinalang lihim sa ating m~ga palagayan. Limpaklimpak daw na kahihiyaan ang itinapon ko sa harap n~g m~ga taong dumalo sa Pandakan...."

"Ako ay ipinagtanggol na mabuti in Dioni, n~g mabait at mapagmahal na hipag ko: datapwa't ang pamamagitan niya't malulubay na paliwanag ay nagparang tubig lamang na nabuhos sa buslong butas. Ang kagalitan n~ga n~g kapatid ko ay di nakarinig sa m~ga katuwiran n~g sinoman sa aming dalawang babae...."

"Sa lahat n~g ito, Tirso, ay lubos na lubos ang kanyang paniwala na ako ay nagpain n~g puri sa iyo at ... pinagsamantalahan mo naman. Nang magmatuwid ako, ay sinabi pang kung talaga raw na nakapananagutan ako sa aking ginagawa ay makita niya kung paano ang gagawin kong pagbaban~gon sa aming pan~galang inilagpak ko kagabi sa lusak n~g dilang kapulaan."

"N~gayon, Tirso, ay nasa iyo ang karapatan sa pagpapasya. Kapagkarakang magkakilala tayo ay di ko na pinagalinlan~ganan ang busilak mong budhi at gintong kalooban. At kung tunay na nagsipamuhatan sa guwang n~g iyong dibdib ang m~ga kataga mong ipinasinaya sa akin magmula sa bahay, pati sa kalesa, sahotelat hanggang sa bangka ... at kung hindi pagsasamantala lamang ang ginawa mong malimit na pagpisil sa m~ga kamay ko ... ay panahon nan~ga n~g ayong marapat kang mapukaw, mahabag at matutong human~go sa akin sa kinasadlakan kong kahihiyaan. ¡Ah, Tirso! Tahasang sinasabi ko na di ako maaaring mamalagi sa ganitong buhay na pinaghatdan mo sa akin...."

"Inuulit kong ikaw n~ga, Tirso, ang sanhi at kadahilanan n~g lahat na ito. Kung hindi sa malaking pagtitiwala ko sa kabayanihan n~g puso mo,—bakit ba't di ko pa ipagtatapat, ay sa ako'y sadyang kalaban n~g pagpapakunwari,—ay hindi sana ako bumalangkas n~g kasinun~galin~gan sa harap n~g kapatid ko't hipag, at disi'y di ka naman nagkaroon n~g maliligayang sandali sa pan~gan~garap n~g gising sa piling ko kagabi...."

"Kung sa bagay, ay di n~ga kaila sa iyo ang aking pagkamestisa. N~guni't hindi maikakait n~g sinoman na sa m~ga ugat ko'y tumatakbo rin naman ang dugong pilipino. Ang pagkakaroon ko n~g kahi't gapatak n~g dugong ito ay sapat upang angkinin ko rin ang likas na ugali n~g babaeng pilipina, na kung ganitong napapan~gat na sa kapulaa't nagiging sanhi n~g m~ga pan~git na sabisabi, ay gumagamit n~g karapatan sa paghanap n~g katubusan sa kamay n~g lalaking puno at dahil n~g ganitong kinahinatnan."

"Ako n~ga, Tirso, ay binawian n~gayon n~g pagmamahal n~g bugtong kong kapatid, at anya'y ipinalalagay na n~g madlang taong nagtitipon sa Pandaka't nakahiging sa pangyayaring iyon, na ako raw ay isa na lamang alibughang walang puri, samantalang hindi mo inilalawit ang aking kaligtasan...."

"Dumudulog n~ga sa iyo n~gayon, Tirso, ang abang babaeng sinundo mo sa kanyang tahanan, iyong iniangkas sa kalesa, kinasalo mo n~g boong lugod sahotelat katalamitam mo't tan~ging kaakbay sa pakikigiit sa kapal n~g tao sa Escolta, kaparepareha mo sa sayawan sa inyong klub at sa wakas ay kapilingpiling mo n~g boong laya sa pamamangka sa ilog sa Pandakan...."

"Ipinaghalimbawa mo kagabi na ikaw ay si Balagtas at ako ang iyong Selia. Ipinagunita ko naman sa iyo ang n~galan ni Teang, n~g babaeng hinan~gaan mo sa simbahan Datapwa't walang gayon ang ginawa mong pagpapatibay na ... ako na lamang ang tan~ging laman n~g iyong dibdib at kaaliwan n~g iyong puso. At n~gayong nanghahawak ako sa gayong m~ga winika mo, ay ¿babayaan mo kaya ako, mabait na makatang nagsuob at gumising sa puso ko n~g m~ga tulain sa buhay?..."

"Sa ano't paano man ang kapasyahan mo, ay ipinamamanhik ko sa iyong sagutin mo lamang ang napalawig na liham na ito, kapagkarakang mabasa mo na, upang sa ganya'y mapagtalastas ko kung ako ay totohanan na n~gang sawi sa mata n~g Kapisanan, at kung ikaw nama'y sadyang may maran~gal na budhing tan~gi at ibangiba sa karamihan n~g m~ga lalaking paris mo."

"¿Di mo kaya ako hahabagin?"

"Salamat kung gayon...."

"Naghihintay n~g boong lungkot,"

"ELSA BALBOA."

Matapos lagdaan n~g nan~gin~ginig na m~ga kamay n~g mestisa ang mahabang kalatas na ito, ay minsan pang ibinaling sa dakong puno ang kanyang m~ga namumugtong mata at muli pang pinaraanan n~g masiyasip na pagbasa, bago nagbitiw n~g isang pahimutok na buntonghinin~gang kinalalangkapan n~g di masukatang sukal n~g loob.

—Nahahabilin sa sulat na ito ang lahat kong pagasa,—ang nanghihin~gapos niyang wika, kapag nabigo pa ako rito ay tapos na sa akin ang lahat....

Kapagkuwa'y naglabas n~g isang munting sobre, ito ay sinulatan, tuloy diniktan n~g nauukol na selyo, at noon di'y tumawag n~g isang utusan upang ipahulog sa koreo ang kanyang ginawa.

Ang kanyang kapatid na katatapos pagsikpan n~g dibdib dahil sa sasal n~g poot, ay nanaog umagangumaga pa n~g araw na iyon at ayon sa iniwang sabi'y sa palaisdaan na niya sa Malabon magpaparaan n~g pananghalian. Si Dioni namang may likas na mababang luha na madaling dumadamay sa sinomong dinaratnan n~g ligalig sa buhay, ay maghapong halos ayaw umalis sa kusina na wari bagang walang pusong maitatagal kung makarating sa kanyang m~ga pangulinig at mamalas n~g kanyang m~ga panin~gin ang tinan~gistan~gis n~g kanyang magandang hipag.

Mahigit sa kailan~gang panahon n~ga ang nagamit ni Elsa sa pagsisiwalat n~g tanang dalamhati n~g kaluluwa niya sa kalatas na kanyang ipinadala kay Tirso.

N~guni, sa halip na kilalaning paggalang sa kalubhaan n~g m~ga sandaling tinatawid niya ang katuturan n~g di pan~gan~gahas ni Dioni na gumambala sa kanyang kusang pagtatago sa silid, na siyang tan~ging tunay na ibig sabihin n~g ginawa n~g hipag niyang ito, ay ipinalagay ni Elsa na marahil ay nasusuklam na n~ga sa kanya pati ni Dioning sa una't una pa'y pinakamahal na niya't itinuring na katapatang lihim na walang kasingbait. At dahil sa ganitong pagpapalagay ay lalo nang-naputos n~g luksa ang kanyang puso at lalo nang naganyong libin~gan ang tanang namamalas n~g kanyang luhaluhaang m~ga balintataw....

Sa laki n~g hinanakit sa kanyang hipag na sinasapantahang nagiiba n~g loob sa kanya't pumapanig sa asawa, ay ipinagbiling ni Elsa sa alilang pinagbigyan n~g sulat na si Dioni'y papasukin sandali't mayroon lamang siyang sasabihing ilang bagay na lihim.

At, babahagya pang nasusun~gaw sa ginto ang mukhang malamlam n~g hipag na ipinatawag, ang mestisa ay kaagad nang humagulhol na animo'y batang paslit na nilisan n~g magiiwi. At mababa rin namang sandali ang namagitan, bago nakuhang magsalita n~g ganito:

—¡Naku, Dioni! ¡Pati ikaw naman yata!...

At ang hipag n~g mestisa ay natuluan pagdaka n~g luha sa malaking pagkalunos.

—Elsa, wala kang dapat ipaghinala sa akin,—tan~ging naisambot.

—¿Hindi ba't pati ikaw ay nagagalit na sa akin?—ang malumbay na tanong n~g dalaga.

—Hindi, at minamahal din kitang kagaya n~g dati.

—Salamat, Dioni, kung gayon ... N~guni't ¿bakit kaya baga't nakaraan ang singkad na maghapong kibuin dili mo ako sa ganitong pamamahay ko sa di maulatang kapanglawan?...

—Nahahambal lamang akong totoo sa nanyayari sa iyo....

—Nabahambal ka, ¿samakatwid ay di mo sinasabing ikinahihiya mo ang pananatili ko sa lilim n~g bubong n~g bahay na ito?

—Hindinghindi, Elsa, at ikaw'y kapatid ko ring pinaguubusan n~g mabuting pagtin~gi't lubos na pagmamahal.

—Subali't ang kapatid ko, si kuyang, ay ... ¡galit na galit sa akin!

—Siya lamang ang nagagalit sa iyo....

—At sukat ang gayong pagkagalit niya, upang ako ay huwag nang bilan~gan n~g maraming araw sa tahanang ito....

—¿Saan ka paroroon?

—Aywan, Dioni, at ang lalaking puno at dahil n~g ganitong napagsapit ko ay akin nang sinulatan n~gayon.

—¿Sinulatan mo si Tirso?

—Oo....

—¿At sa anong bagay?

—Bagay sa nararapat niyang gawin upang ako ay mahan~go sa ganitong kapulaan....

Napamata na lamang si Dioni, pagkarinig sa ganitong pahayag n~g mestisa. Ang m~ga unang kutob n~g loob niya hinggil sa gayo't ganitong maaaring maging katuturan n~g kilusa't palagayang malimit niyang mapuna sa hipag niya't kay Tirso, n~gayo'y hindi kutob lamang kundi isang katotohanan nang pinatitibaya't siyang inaamin n~g kanyang kausap. Dahil sa gayong ginawang pagliham sa makatang hinihinala na n~ga niyang namamalakay sa bahay na iyon, ay maliwanag na nadama niya ang kaselanan n~g m~ga sandaling tinatawid n~g kanyang hipag, palibhasa siya man, si Dioni, nang magdaan na sa mapan~ganib na katayuang paris niyon, ay gayon ding pagsulat kaagad ang ginawa, pagsulat na siya tuloy ikinabunsod na maaga n~g kanyang pagaasawa sa kapatid ni Elsa.

—¿Iiwan mo na n~ga ba ako, kapatid ko?—ang makasandali'y boong kalumbayang itinanong sa mestisa.

—Siyang tan~ging marapat kong gawin upang manumbalik ang dating payapang buhay ni kuyang....

—Elsa, kung kinikilala't minamahal mo ang iyong kaisa-isang kapatid, ay hindi mo siya nararapat pakitikisan. Kinagalitan ka niya, hindi sapagka't talagang ikinasusuya na ang iyong pamamalagi sa lilim n~g kanyang kalin~ga, kundi alangalang din sa ikapapanuto n~g malinis na pagkababae mo.

—N~guni't ako ay wala nang kasingdumi sa tin~gin niya....

—Hindi naman, Elsa, ipinakita lamang sa iyo ang kamalian mo. At walang taong hindi nagkamali.

Tumagaltagal din ang salitaang iyon n~g dalawang maghipag na kapwa sinasakbibi n~g dalamhati ang m~ga puso.

At hindi nagkawakas ang hinikbihikbi n~g isa't isa sa kanila, kundi nang marinig nang tumatawag buhat sa hagdanan ang kapatid ni Elsang asawa ni Dioni.

Nagwalawalaang sumalubong ang asawa sa kanyang dumating na giliw, samantalang pinapananauli sa kanyang maaliwalas na mukha ang masayang anyo na di sukat kahalataan n~g anoman.

Si Elsa naman ay kusang nagpaiwang nagiisa sa loob n~g kanyang silid, na, nang sandaling iyo'y bahabahagya nang nilalaganapan n~g dilim, upang kung mangyayari'y mabigyan niya n~g maluwag na pagkakataon ang pakikipagbulun~gan sa dalamhati n~g kaluluwa niyang ginugutay n~g bagabag....


Back to IndexNext