XX

Sabay na tumawag sa pinto n~g hagdanan ni Tirso Silveira si Martinez at ang tagadalang-sulat na nagabot n~g kalatas ni Elsa.

Pagkatanaw n~g makata sa tagadalang-sulat ay nakaramdam kaagad n~g biglang pagsinsin n~g pintig n~g puso, pagka't sinapantaha niyang yaon na kaipala ang sulat na pinakahihintay niyang magbubuhat kay Teang. Datapwa't ang sikdo n~g dibdib ay tinugunan noon din n~g isang pamumutlang bumakas na maliwanag sa kanyang mukha, kaya't nahulaang madali ni Martinez ang pagkabigong tinanggap n~g makata.

—Hindi yata dumating,—ang painong turing n~g binatang kapapanhik.

—¿Alin?—pakailang tanong n~g maybahay.

—Ang sulat na hinihintay mo,—ang wika pa ni Martinez.

—Ako'y walang hinihintay,—lalo pang pakailang iwas n~g makata.—¿At sino naman ang susulat sa akin sa m~ga araw na ito?

—Si Teang ... si Elsa....

—Si Teang ay hindi. Si Elsa, manapa....

Hindi nalalaman ni Tirsong tinik na sumubyang sa dibdib ni Martinez ang huli niyang winika. ¿Susulat sa kanya si Elsa? ¡Talagang hindi namamali n~g hinala si Martinez!

Si Martinez ay naparoong daladala sa isip ang isang lihim na tangka n~g paghihiganti sa lalaking ikinalupig n~g kanyang m~ga lakad sa mestisa, gayong pinautan~gan niya n~g tulong ukol naman kay Teang. At ang narinig niyang sinabi ni Tirso ay parang paghahamon sa ikatutuloy n~g kanyang tangka.

Subali, ang totoo, sa harap n~g makatang magiliw ring naganyaya sa kanya hanggang sa silid na sulatan niyon, ay natutubigan siya mandi't hindi matutuhan kung ano't kung alin ang sasandatahin niya sa gayong balak.

Sa hindi niya pagimik na parang nawawalan, ay si Tirso ang nagsalita.

—Matagaltagal nang hindi mo ako binabalitaan n~g tungkol sa iyong kababayan ...—ang wika.

At si Martinez ay lihim na namuhi.

—¿Ano pa ang kailan~gan sa iyo?—itinanong na tuyongtuyo.

—¿Bakit?—anang makata.—¿Alan~gan na ba akong magpatuloy n~g pakikipagkilala sa kanya?

—Hindi sa alan~gan, kundi sa dalawang dahila'y wala nang kailan~gang balitaan pa kita n~g anomang natutungkol sa kanya: una, sapagka't wika mo'y si Elsa at hindi si Teang ang hinihintay mong susulat sa iyo at ikalawa, sapagka't si Teang nama'y ... malayo na sa mararating n~g m~ga gunita mo.

—¿Si Teang ay malayo na sa mararating n~g m~ga gunita ko?

—Siyang totoo.

—Martinez, ¿ano ang ibig mong sabihin?

—Silveira, ang ibig kong sabihi'y ang paris n~g iyong narinig.

—¿Tinatalinghagaan mo ba ako?

—Hindi; at ang m~ga sinasabi ko ay maliliwanag.

—Kung maliliwanag ay sukat sanang mawatasan ko kaagad ang tukoy n~g iyong pan~gun~gusap, n~guni't ang totoo ay nalilito ako.

—Wala akong magagawa kung ikaw ay nalilito; n~guni't kung sadyang nais mo ring mabatid kung bakit sinabi kong malayo na si Teang sa mararating n~g m~ga gunita mo, ay wala akong dapat gawin kundi isa: ang ipaala-ala sa iyo na siya ay wala na sa bahay n~g kanyang ninang sa San Lazaro.

—¿At saan naroon?

—¡Aywan kay pari Casio!

—¿Ha?

Napuna ni Martinez ang untiunting pagkainis n~g kausap. Ang n~galan ni pari Casio ay nang oras na iyon na lamang niya naisip, at kung gayong tila ang natuklasan niya'y magkakabisa, ay kailan~gan nang ipatuloy yamang nasimulan na. ¿Subali't ano kaya ang kanyang kakathain hinggil kay Teang at sa binanggit niyang pari? ¡Ah, may nadampot siya! At ang kanyang isinagot:

—¿Ikaw ba, Silveira, ay patay na loob na di nakabalita, kahi't balita lamang, tungkol samilagrongnangyari kina donya Basilia?

Lalong nagibayo ang bakla n~g panimdim n~g makata. At itinanong:

—¿Milagro? ¿Kailan?

—Nitong ilang araw na kalilipas na bago maalis sa bahay na iyon ang babaeng ipinagtatanong mo.

—Iulat mo, Martinez.

—Iulat ay huwag na. Sasabihin ko na lamang sa iyo, kung talagang wala kang naaamuyan, na marapat mong pagsisihan ang pagkakilala sa babaeng sayang at naging aking kababayan. ¡Naku, Silveira, may katotohanan pala ang bulun~gang kumakalat sa amin bayan tungkol kay pari Casio at kay Teang!

—¿Ano?...

—¡Ano pa raw! ¡Tanun~gin mo si manang Magda, at siya ang nakatutop sa bayaning pari sa tulugang katre n~g kanyang anak na dalaga!

—¡Martinez, kapag hindi mo napatunayan ang iyong sinasabi'y...!

At biglang dinaluhong ni Tirso at ginagap sa dalawang balikat ang binatang iyong naparoon yata upang umaglahi n~g walang kasingsakit sa kanyang kapalaran.

N~guni't si Martinez, na talagang inaalihan noon n~g malaking paghahan~gad na makapaghiganti sa katotong ipinalalagay niyang umagaw n~g kanyang ligaya, ay di nabalino sa gayong namamalas na kilos n~g kausap, kundi bagkus nagpakatatag at parang nakatanaw n~g nalalapit na pagwawagi.

—¡Ikaw ang bahala, Silveira! ¡Kung ayaw kang maniwala, ay mapanisan ka n~g laway n~g dilat ang iyong m~ga mata!

Nakaramdam si Tirso n~g isang malaking pagkahapo n~g katawan. Sa kanyang noo ay gumiti ang malalamig na butil n~g pawis, samantalang ang m~ga litid n~g dalawang paa'y tila bahabahagyang tinatakasan n~g lakas. Makasandali pa, ay boong panglalambot nang ibinagsak ang katawan sa isang peresosang nasa may likuran niya. At ang iba pang ibig sanang sabihin ay ipinahayag na lamang sa pamamagitan n~g ilang buhol n~g buntonghinin~gang sakdal n~g pait.

—N~guni't hintay,—ang bawi ni Martinez mapamayamaya.—Hindi ko makita ang bagay kung bakit ipagdaramdam mo n~g ganyan ang gayo't ganitong "kababalaghan" ni pari Casio at ni Teang, ay sa n~gan~gayon pa lamang halos ay sinasabi mong si Elsa ang hinihintay mong susulat sa iyo. ¿Hindi ba totoong si Teang ay inibig mo sa isang saglit lamang, samantalang ang magandang mestisa'y siyang talang nagniningning na lagi sa diwa mo at alaala?

Hindi na sumagot si Tirso. Di na lamang niya anhin ay matapos na ang gayong paguusap na labis niyang ipinanggigipuspos. Sa bawa't dalawa o tatlong sabihin ni Martinez ay palad nang siya'y magbitiw n~g isang kataga. Salamat na lamang at ang isa ay para namang nasiyahan na sa nangyari kay Tirso, kung kaya't pagkaraan n~g m~ga, sampung minuto sa pagbubuklat n~g ilang aklat na kanyang natunghan sa sulatan, ay nagpaalam na't di umano'y may lalakarin siyang bagay na mahalaga sa bahay n~g isa pang kasama.

Pagkaalis ni Martinez ay sarisaring mapapait na gunitain ang sumilid sa panimdim n~g makata. Ang balitang natanggap kay Martinez ay lumikha n~g isang malaking sugat sa guwang n~g kanyang puso, sugat na walang tan~ging ikababahaw kundi ang alinman sa dalawang ito: o pagusigin niya kahi't saan naroon ang babaeng alibugha na naglaro sa kanyang kapurihan upang papanagutin sa bigat n~g salang ginawa sa kanya, o yao'y ilibing niya sa hukay n~g limot na parang hindi niya naging kakilala kailan man. Datapwa't maging alinman naman sa dalawang ito ay tila malayo sa ikabubunsod, palibhasa'y kung magpapakapusok siyang magusig kay Teang sa m~ga araw ding iyon ay sapilitang mababalatong ang pagtatapos n~g kanyang pagaaral, at kung limutin nama'y lalong hindi mangyayari pagka't buhol na walang kalag ang sinumpaan niyang higpit n~g kanyang pakikiisang kapalaran sa babaeng iyon. ¿Paano ang mabuti niyang gawin?

Unaunang marapat niyang matiyak ay kung, hanggang saan ang taglay na katotohanan n~g m~ga ipinahayag sa kanya ni Martinez. Kinakailan~gan niya ang patotoo n~g kahi't isa man lamang saksi, kung baga sa isang usaping nililitis sa hukuman, upang mabigyan niyang halaga ang m~ga balitang kanyang tinanggap. At sa bagay na ito'y ¿sino ang kanyang lalapitan? ¿Sino ang makapagbibigay n~g patibay na kinakaila~gan niya?

Sa katatanong n~g ganito sa kanyang sarili, ay nagunita ni Tirso ang mestisang si Elsa, ang pamangking buo ni donya Basilia. Tunay na si Elsa at si Teang ay untiunting pinapaglayo n~g m~ga hiwaga n~g puso, n~guni't sa dahilang ale n~g una ang may-ari n~g bahay na sinasabing pinangyarihan n~g "himalang" ibinalita ni Martinez ay dili ang hindi kahihiwatigan ang tinukoy na mestisa n~g anomang tandang sukat mapagkakilanlan kung tunay o hindi ang sinasabing "himala". Bakit ay nagunita pa ni Tirso na kaya raw siya inanyayahan ni Elsang sumama sa Pandakan n~g gabing kalilipas, ay sa dahilang may ibig ibalita sa kanyang ilang ulat na may kinaalaman kay Teang at sa kanya. ¿Isa lamang kayang biro n~g mestisa ang gayong pahayag?

Naalaala ni Tirso ang sulat na tinanggap na galing kay Elsa. Madali niyang dinukot sa isang kahon n~g kanyang sulatan na pinagtaguan niya upang iyo'y huwag nang makilala ni Martinez, at pagdaka'y binuksan.

¡Ah, anong kalatas na pagkahabahaba ang kanyang nabasa! ¡Anong pagkalungkotlungkot na m~ga katagang animo'y sigaw na napaaawa n~g isang inabot n~g sigwa sa laot n~g dagat!

Sinasabi n~g kalatas na yaong ang sigwa ay kay Tirso nagbuhat, ¿nababagay n~ga kayang ang makatang ito ang sumaklolo't sumagip kay Elsa?

Sa laran~gan n~g pagibig, kung may nakikilalang hiwaga ang puso n~g tao, ang hiwagang umaakibat sa kapalaran n~g makatang si Tirso ay isa nang hindi karaniwan halos masasabing walang kapan~galawa sa tanang nangyayari, at kung sakali't mayroon ay bihirangbihira.

Sa isang dako'y ipinagtatalo n~g kanyang loob ang hindi pagkatupad n~g kapan~gakuang iniwan sa kanya n~g babaeng pinagsanglaan n~g walang tubos n~g kanyang kaisa-isang pusong namana sa magulang, saka ang m~ga balitang tungkol sa babaeng iya'y inihatid sa kanya n~g isang binatang itinuturing na kaibigan; samantalang sa kabila nama'y hayan ang kalatag n~g mestisang sa mula't mula pa n~g kanilang pagkikilala'y wala nang ipinatamasa sa kanya liban sa di karaniwang pagtatan~gi't tuwina'y pagkahalina sa anomang kanyang ginagawa, sa lahat niyang m~ga tula ... Samantalang ang m~ga pangyayari at ang m~ga natatanggap na balita'y nagtataboy sa kanya upang pagbuntuhan niya n~g n~gitn~git at ikahiya sa kabatiran n~g iba si Teang, si Elsa naman ay patuloy na nagpapasinaya sa kanya n~g, mataas na pagtin~ging sukat lamang hintin sa isang tunay na kasuyo, sa isang tapat na kasing nananagisag n~g kawagasan. Sa m~ga sandaling yao'y hindi niya maturol kung sa kaninong anak n~g Dios nahahabilin ang palad ni Teang, at sa m~ga sandali ring yaon ay nasa harap naman niya ang liham ni Elsang naglalahad n~g walang pagtutumpik sa tanang pithaya n~g pusong nauuhaw sa pagirog ... At ang sulat na iyong kinakaharap niya, higit sa isang pagpapahayag n~g mataas na pagtin~gin, ay isang tunay na paghin~gi't paghihintay n~g kanyang magagawa, n~g sukat niyang ilin~gap sa isang minamahal at itinatan~gi sa buhay ... ¿Paano ang marapat niyang gawin sa pagpapabaya ni Teang? ¿At paano ang gagawin naman niya sa gayong pagbubukas n~g dibdib n~g mestisang nabihag n~g kanyang pagkamakata? ¿Saang panig siya dadako? ¿Doon? ¿Dito?...

Sa wakas ay minarapat ni Tirsong ibilang pa n~g ilang araw, n~g ilang panahon, ang paghihintay n~g sulat n~g babaeng pinagtiwalaan niya n~g puri't karan~galan, samantalang ang sukat itugon sa sulat n~g mestisa ay siya namang pinagliming masusi n~g kanyang bait at siyang nihanap n~g hatol sa kahinahunan n~g kanyang pagkukuro.

N~guni, lahat n~g kanyang naisip tungkol sa isasagot kay Elsa, ay di niya inibig na sulatin sa ayos n~g isang kalatas na ipadadala sa tinukoy na mestisa. Ang sulat ay isang katibayang kanawanawang maipapalad sa harap n~g ibang tao. At ang kaselanan n~g kanyang tayo dahil sa sinumpaang pakikiisang dibdib sa harap n~g hukuman sa Sampiro, ay nagaatas sa kanya upang magpakain~gat sa ikapagkakaroon n~g masasangguning katibayan n~g pakikitalamitam niya sa sinomang babaeng naiiba kay Teang.

—Mabuti'y makipagkita ako sa kanya, at sa harapang paguusap nami'y saka ko siya tutugunin n~g nararapat,—ang tapos ni Tirso sa kanyang magulong pagninilay.

Makailang saglit ay may tumawag kay Tirso, at ipinagbigay alam na sa telepono n~g botikang nasa silong n~g gusaling kanyang tinitirha'y mayroong naghinintay na ibig makipagusap sa kanya.

Nagdudumali siyang nanaog.

At pagkahawak sa telepono'y tinig n~g babae ang kanyang narinig.

—¿...?

—Si Silveira n~ga po itong kausap ninyo. ¿Sino po ba naman sila?

—....

—¡Ah, ikaw pala, Elsa!

—¿...?

—Oo, natanggap ko.

—¿...?

—¿Kung kailan mo tatanggapin ang sagot? Ang ibig ko sana ay sagutin kita n~g harapan sa isang pagniniig ... ¿Paiirugan mo ba ako?

—....

—Kung kailan ka may panahon ay tumipan ka't ating pagusapan ang bagay na iyan.

—¡...!

—¿Pariyan ako sa m~ga araw na ito? Iyan ang hindi mabuti. Maipalalagay niyang tayo ay naninikis....

—¡...!

—Huwag ka sanang mabiglain. Ang galit n~g kapatid ay pagmamahal. Kung hindi ka minamahal, ay di ka kagagalitan....

—¿...?

—Isang araw ay masok tayo kahi't sa aling sine at doon natin pagusapan.

—¿...?

—Ikaw ang bahala: pasama ka kahi't kay Dioni, kung nan~gan~gamba ka nang makipagniig sa akin n~g sarilihan. Nalalaman ko namang paibaibang talaga ang lagay n~g panahon....

—¿...?

—Wala akong ibig sabihin kundi ang pagpapaubaya sa iyo n~g boong kapasiyahan. Marapatin mong magsarili kita, salamat: magsama ka naman n~g kahi't sinong mabutihin mo, salamat din ... Ako ay walang hindi kinadoroonan.

—....

-Kung gayo'y hihintayin ko ang araw at pook na iyong itatakda.

—....

—Salamat, Elsa.

—¡...!

—¡Adios! Taglayin mo ang aking alaala....

Bahagyang naibsan n~g pabigat ang kaluluwa ni Tirso sa pagkapagusap nilang iyon n~g mestisang sumulat sa kanya.

Gayon ma'y nakalipas ang singkad na maghapong hindi niya halos namamalayan, n~g siya ay nanghihinamad mandi't walang alis sa pagkakatun~go sa ibabaw n~g kanyang sulatan.

Dalawang linggong mahigit ang nadaan. Bagama't gayon na lamang ang pusok n~g loob ni Elsa nang kanyang sulatin ang liham na ipinadala kay Tirso, ay nakalipas din ang gayong dami n~g m~ga araw n~g ang tipanan nilang paguusap na sarilihan sa bagay na iyon ay hindi pa nabibigyang katuparan. Paano'y sa siyang pinaiiyahan n~g lalaki, ay parating nagkakaroon n~g salabid tuwing ipagbabalak n~g araw at pook ang ikabubunsod n~g gayong salitaan.

Sa loob n~g panahong iyan na hindi rin idinarating n~g sulat ni Teang, kay Tirso naman ay lalong nagtitibay ang paniniwalang napalun~gi n~ga ang kanyang palad sa babaeng kung bakit ba't napaghabilinan niya n~g kanyang boong pagtitiwala.

Ang pagpapahalaga sa m~ga balitang tinanggap niya kay Martinez ay untiunti n~guni't patuloy na naguugat sa guwang n~g kanyang puso, at nakatutulong n~g malaki upang ang pan~galan ni Teang ay maging buntuhan n~g kanyang kasuklama't lalong masasaklap na hinala. Pati n~g unang balak na paghanap o pakikibalita sa kinaroroonan n~g babaeng iyon ay bahabahagya nang iniwawaksi sa kanyang isip, yamang kung gayon anyang kay Teang nanggaling ang paghamak sa kanilang sumpaan, magusig man siya'y ibayong hirap na lamang n~g loob ang kanyang mapapala. Si Tirso ay kasal sa babaeng iyon, oo, nalalaman niya; n~guni't ¿bakit pa niya hahan~garin ang mapapisan sa isang talipandas na walang tunay na pagibig sa kanya? Saka, ang kanilang pagkakasal ay lihim na lihim at walang sinomang nakamamalay liban sa hukom na sa kanila'y nakialam. Ang pagmamakain~gay tungkol sa paguusig ay magiging isang tunay na pagkakalat na lamang n~g kanyang sariling kahihiyaan. "Patawarin ang nagkakasala at ipagparaya ang nagkukulang" ang aral na itinuturo n~g Kapisanang kanyang kinaaaniban; at malalabag na lamang sa itinuturo n~g aral na iyan ang paguusig sa babaeng kusang tumaliwakas sa kadakilaan n~g sumpa, ang yumurak at gumutay sa kahalagahan n~g pan~gako. Manan~ga'y tumahimik na n~ga siya't kanyang pagaralang pawiin sa alaala ang pan~gala't larawan n~g babaeng bumitay n~g kanyang magandang pagasa.

Samantala, sa isa sa m~ga bulsa niya ay laging hindi nahihiwalay ang sulat ni Elsa na kinalilimbagan n~g isang pagibig na walang kapantay sa karubduban. Ang pagibig na iyong sa kanya iniuukol ay hindi nakakikilala n~g pagmamaliw. Ulani't arawin man sa laot n~g kanyang pagkawalang loob, na sa nagdaang m~ga araw ay siya niyang ipinahalata sa naturang mestisa, ay patuloy ring; taglay ang dakilang uri, ang kawagasan, na sa wari niya'y sukat ang kanyang naisin upang pagtamasahan niya n~g dilang lugod, n~g madlang biyaya at tanang luwalhati, na sa buhay na ito'y siya na lamang mahihintay n~g kinapal na paris niya.

Sa harap n~g sulat na iyong hindi gumagamit n~g anomang bahid n~g pagpapakunwari, ¿ano pa ang magiging katuturan n~g pagpapakabalisa ni Tirso sa isang babaeng gaya ni Teang kung hindi kabaliwan? Magpakabaliw kung kinababaliwan ay hindi masama at lilikha pa kaipala n~g paghan~ga sa sinapupunan n~g Kapisanan. Datapwa't magpakabaliw sa babaeng humahalakhak at umooroy sa kanyang kasawian ay iyan na ang sukdulan n~g kahalayan na hindi sukat makita sa isang paris ni Tirsong paano't paano man ay may pan~galan na ring nakikilala sa maraming lipunan.

Kaya, masakit mang walang kasingsakit, ay kailan~gan na ni Tirso ang makiayon sa tadhana n~g kanyang palad. Ang tadhana ay waring nagaanyaya sa kanya sa isang dako upang sayurin niya ang kadalisayan n~g pagibig ni Elsa, hindi siya dapat magmalaking huwag magpakundan~gan sa anyayang iyan.

At, habang dumarami ang m~ga araw na hindi idinarating n~g sulat na pan~gako ni Teang, ay patuloy namang pumapanaw kay Tirso na parang kimpal n~g ulap na nawawala sa katingkaran n~g sikat n~g araw, ang pan~gala't alaala n~g babaeng binanggit, katiyap n~g untiunting paguusbong sa pitak n~g kanyang puso, tulad sa halamang busog sa alaga, n~g pagkahalina sa m~ga pakibang loob n~g malulugding mestisa.

Minsan, isang gabi, ay minarapat ni Tirso ang gumawi sa may pook nina Elsa, n~guni't hindi ang tangka'y manhik n~g bahay kundi mula sa palibidlibid n~g looban niyon ay pakimatyagan ang kalagayan n~g dalagang untiunting nagpupunla n~g balisa sa kanyang gunamgunam. At gayong pakikimatyag na n~ga lamang ang kanyang minabuting gawin, sapagka't sa bahay na yaon ay ayaw muna niyang lumantad magmula nang may mahalata siyang sukal n~g loob sa kapatid n~g nasabing mestisa.

Si Tirso ay sa may gawing baybayin n~g dagat nagdaang paahon sa bulaos na patu~ngo kina Elsa. Pinili ang lalong madidilim na palumpong, naglagos sa m~ga palikolikong landas, at pagkalapit sa may tinatalikuran n~g silid n~g mestisa, ay naghagis n~g tin~gin sa dakong itaas at tinangkang makilala sa siwang n~g sarisaring halamang gumugubat sa looban kung sinosino ang m~ga lalaking narinig niyang nagkakatuwa. N~guni't wala siyang nakilala isa man. Ang tinig ni Elsa ay naulinigan din niya, subali't kung ano ang sinasabi'y hindi niya mawatasan.

Makasandali ay kanyang narinig ang piano, pasimula n~g isangone-stepang tinutugtog, tugtog na noon din ay sinundan n~g mahihinang sagitsitan n~g m~ga paang nagsasalimbayan sa ibabaw n~g tabla.

—¡May sayawan!

Datapwa't ang namalas ni Tirso ay pawang m~ga lalaki rin ang nagsisiindak na magkakayapos sa gitna n~g bulwagan, at anino man ni Elsa ay di niya matanaw.

Inakala niyang si Elsa ang nunugtog n~g piano. N~guni't ¡ano bang tugtog!one-stepn~ga ang narinig niyang pinasimulan, na siyang sinundan n~g pagsasayawan n~g m~ga lalaking panauhin ni Elsa, dapwa't hindi pa halos nakabubuo n~g tigisang inog ang bawa't magkapareha, aymarcha funebrena ni Chopin ang pagdaka'y kanyang naulinigan.

Ang sayawan ay biglang natigil. At ang humalili'y ang matunog na halakhakan n~g m~ga lalaki.

—¡Napilya na naman tayo ni Elsa!—ang malakas na wika n~g isang nanun~gaw pa sa bintana pagkabalatong n~g pagsasayaw.—Sapul pa kanina'y pawang sa ganyang tugtog sa patay tinatapos ang alinmangtandangating sayawan.

At malinaw nang nawatasan ni Tirso ang tinig n~g maganda niyang paraluman.

—Kayo ay hindi ko pinipilya,—ang sabi.—Itinanong ko kung ano ang ibig ninyong aking tugtugin, at aninyo'y ako ang bahala kung alin at kung paano ang tumutugon sa loob ko.

—¿At sa lagay ay siyang tumutugon sa loob mo angmarchani Chopin?—itinanong pa n~g isa.

—Mangyari,—ang sambot n~g mestisa,—ay sa dinatnan ninyong patay sa akin ang dating kaligayahan n~g puso; at bagaman namamalas ninyong ako'y nakatawa rin, ang kaluluwa ko ay putos n~g luksa't may nilulunok na apdo n~g kadalamhatian.

Ang dating tawana'y nasaksihan ni Tirso na napaltan n~g sandaling pananahimik.

Kung ang m~ga lalaking iyon ay walang napunang panglalamlam n~g dating masayang mukha ni Elsa kapagkarakang ito'y makiharap sa kanila nang gabing iyon, disin ay may nagdamdam na sa ganyang m~ga kataga na walang kagatolgatol na kanilang narinig. N~guni, ang totoo, si Elsa n~ga ay madali nilang napanibaguhang malungkot noon at siya rin namang kaagad ibinulong n~g hipag na si Dioni at ipinagbilin pang huwag pagpapansinin pagka't walang anoman. Kaya, ang isinagot na lamang n~g isa sa kanila'y:

—Kung ganyang ikaw ay may dinaramdam na kalungkutan, ay ibig naming makiramay sa iyo, Elsa.

—Inaakala kong iya'y hindi ninyo magagawa, sapagka't ang m~ga damdaming ito ay para lamang sa aking sarili....

—Sarili mo ma'y makapakikiramay rin kami, kung huwag na kaming magtagal na gaano sa pagkakatuwang ito rito.

—N~guni't hindi ko sinasabi, m~ga kaibigan, na ikinaiinip ko itong ating matiwalang paghaharap.

—Gayon ma'y kami ang nagaakalang marapat igalang ang m~ga sandaling ipinakikilaban mo sa iyong m~ga kalumbayan.

—Kung ayaw na kayong magsayaw ay magusapusap na lamang tayo.

—¿Ano pa ang paguusapan natin ay sa hindi mo naman ipagtatapat sa amin kaipala ang sanhi n~g iyong m~ga lungkot?

—Hindi kayo mawawalan n~g anomang sukat maikuwento sa akin....

At ang m~ga panauhi'y namalas ni Tirsong may m~ga hawak nang sombrero at anyong nagaabot n~g kamay sa mestisa.

—Hintay muna pala sandali,—ang pigil n~g dalaga,—paunlakan muna, ninyo ang munting bagay na pinagaabalahan n~g aking mabait na hipag.

—¡At may pinagaabalahan pa pala si aling Dioni! Sa wakas ay napahinuhod din ang m~ga panauhin.

N~guni't saglit n~ga lamang, at matapos pairugan ang ilang pamatid-uhaw na magiliw na ipinaganyaya ni Dioni, ay nan~gagpaalam na rin.

Si Tirso, na nakasaksi sa tanang nanyari, nang umalis sa pook na iyon ay taglay sa dilidili't siyang pinaglilimi ang m~ga katagang narinig niyang binigkas ni Elsa,

¿Tunay n~ga kayang patuloy kay Elsa ang m~ga pagdadalamhating nasasabi sa kanyang sulat?

¿Si Elsa kaya, hanggang sa m~ga araw na iyong hindi pa nagkakaroon n~g katuparan ang salitaan nilang pagtatagpo sa panonood n~g sine upang doon pagpasyahan ang suliraning ipinaghihintay n~g magiging loobloob n~g makata, ay hindi pa dinadalaw n~g dating katiwasayan n~g kaluluwa?

Naramdaman ni Tirsong ikinaiinip niya ang hindi pagkakatuloy n~g kanilang tipanan n~g mestisa. At sa pagkainip ay iniisip niya kung saan sila lalong maluwag na magkakausap ni Elsa, kung gayong tila may kahirapan ang pagkikita nila sa sine.

Kanyang binalak ang sa isang paliligo sa dagat, yamang arawaraw ring lamang halos ay lumulusong ang dalaga; at binalak din naman ang sa alinman sa m~ga bahay n~g ibang kakilala sa Pasay na rin, sa may di gaanong kalayuan sa pook na iyon, upang huwag maging halatain sa kapatid na pinakikitimban~gan ang gagawing paguusap na lihim. Datapwa't ¿paanong ang gayo'y maisasangguni niya kay Elsa ay sa matagaltagal nang ito'y hindi man lamang lumiliham ni tumatawag sa kanya? Kung may telepono man lamang sana sa bahay nina Elsa, disi'y nan~gahas nang magpaunang tumawag si Tirso. Subali't sa kasamaang sukat ay wala n~ga, ¿paano ang kanyang gagawin?

Samantala'y nalalapit na untiunti ang m~ga araw na ipagdiriwang kay Momo. Nagunita n~g makata na ang siyudad nito na tinitigib n~g m~ga halakhakang ginaganap sa likod n~g m~ga n~giwi n~g sarisaring balatkayo, ay siyang malimit pagsinayaan n~g m~ga pusong uhaw sa ligaya, siyang kadalasang pinagtitiyapan n~g m~ga kaluluwang malaon nang naghihintay n~g isang dakilang pagkakataon, ¿hindi pa kaya sila makapakibahagi sa m~ga biyayang iyang idinudulot n~g karnabal sa m~ga nasa kapanahunang paris niya't ni Elsa?

Sunodsunod na nagdaan sa papawirin n~g alaala n~g makata ang m~ga pangyayaring kanyang napanood sa loob n~g bakod n~g m~ga karnabal na idinaos sa ilang taong tinalikdan. Yaong isang Pierrot at isang Columbinang nahigin~gan niyang nagkaisang magtanan sa m~ga kasama't maliksing nakay sa isang autong aywan niya kung saan nagtun~go; yaong isang dimonyong pula at isang dimonyong itim na nakipagindakan muna sa kapal n~g tao sa "Auditorium", saka pagkatapos ay magkakawit ang m~ga bisig na nagkubli sa dilim, nanunton sa m~ga pook na lin~gid at makasandali'y matagal na nawala sa kung saang bahagi n~g maluwang na siyudad na iyon; yaong isang Aida at isang Radames na nagpakalan~go muna sa malakingbarn~g "San Miguel Brewery" sa loob n~g siyudad at kapagkuwa'y naghudyatang tila may paroroonang mahalagang bagay, bago'y pagkatalin~gid sa m~ga taong sukat makapuna sa kanila'y boong bilis na inihatid n~g isang auto sa isa sa m~ga ligpit nahotelsa San Sebastian, samantalang ang kanilang m~ga kasama'y nakikipagbiruang walang hulaw sa loob n~g mailaw na siyudad ... ang lahat n~g iyon ay m~ga alalahaning kumakayag sa budhi ni Tirso upang siya ay magmunukala n~g isang kaparaanang sukat bagang ... ikaganap n~g kanilang nabibiting tipanan ni Elsa.

—Bahala na sa karnabal, kapag hindi pa natupad sa m~ga araw na ito,—ang nawika sa sarili ni Tirso, matapos sayurin n~g kanyang guniguni ang nan~gabanggit na pangyayaring napanood niya sa siyudad ni Momo.

At parang babala n~g mabuting kapalaran, isang umagang siya'y magawi sa Escolta ay nakatagpo niya ang mestisa na kasama ni Dioni at n~g isa pang babaeng marahil ay kamaganak, kaibigan o kaya'y kanyang kapit-bahay.

Sa pagkikita nilang dalawa noon, ay masasabing mabuti na rin ang nangyari, sapagka't bagaman sasandali at panakaw pa ang pagkakausap nilang lihim at sarilihan ay napagtalastas ni Tirso kay Elsa; na ang bagay na ipinagtipan nilang manonood n~g sine ay sa karnabal na paguusapan; na yao'y maluwag nang mabubunsod kaipala, yamang ang kapatid na lalaking pinan~gin~gilagan n~g dalaga ay nagtun~go sa Nueba Esiha at malamang na hindi mabalik kundi kung makaraan na ang nabanggit na karnabal; na ang binibili nina Elsa nang umagang iyon ay m~ga kayong gagawing balatkayo, at ang may kagustuhan niyon, bilang pinakapangaliw sa m~ga pan~gun~gulungkot na palagi ni Elsa, ay dili iba't ang kanyang hipag na si Dioni.

—Kung ano ang sidhi n~g loob mo, Elsa, sa iyong sulat ay siya namang sidhi n~g loob kong magkaniig tayo, paris n~g ating pinagusapang minsan: datapwa't hangga n~gayon ay nasa paghihintay na lamang ako...—- ang may himig n~g panunumbat na nasabi n~g makata sapagkapagusap nilang iyon.

—Panahon lamang, Tirso, ang wala sa atin ...—ang nagpapasigla n~g pagasang isinagot noon n~g mestisa.

—Gawan mo sana n~g paraan na maibalita agad sa akin ang itatakda mong araw, hane,—ang pasamong bilin pa ni Tirso.

—Hamo't kung hindi kita mapadalhan n~g kahi't isangpostalay tatawagan kita sa telepono,—matibay namang pan~gako ni Elsa.

—¿Hanggang kailan ang ipaghihintay ko?

—Hanggang sa bago dumating ang m~ga araw n~g karnabal.

—Maghihintay ako, kung gayon.

—Asahan mong gagawin ko ang lahat n~g maaaring gawin.

—Salamat, Elsa.

—Wala kang sukat ipagpasasalamat, Tirso. Ako ang nararapat magpasalamat sa iyo, sapagka't sa di kawasa'y ... nakilala na rin n~ga yata n~g iyong puso na may isang sawing babae ritong....

—Akin ang kasawian, Elsa, at sinomang babaeng nakikilala ko ay sadyang tinatangkilik n~g magandang kapalaran.

—Aywan n~ga ba kung ako ang bukod na natatan~gi sa m~ga mapapalad na iyan....

At minsan pang namalas ni Tirso noon ang talagang pagmumukhang nahahapis n~g diwatang yaong kapatid n~g kasayahan.

Ang mestisa't ang makata ay nagkatalikod noong taglay-taglay sa ubod n~g puso nitong huli ang m~ga bagong tibukin....

Ang dating pagpapalagay sa mestisang iyon na may tamis n~g pagtatan~ging kapatid, nitong magpakasira si Teang sa kapan~gakuang iniwan kay Tirso, tan~gi sa katamisa'y nalahukan pa n~g init n~g paglulunggating ibinubuyo n~g isang pagmamahal na mahigit sa nagagawa n~g pagkakapatiran. Anopa't sapul nang gumitaw sa kanyang dibdib ang kutob na pinagmamaliwan na't nililimot siya n~g babaeng nan~gako n~g pagtatapat, ang nakakikiliting kilos at anyo ni Elsa nang gabing mapanhikan niyang aawitawit na nagiisa sa loob n~g bahay, at ang matiwalang pagsama sa kanya noon hanggang sa bangka, saka ang nilalaman n~g mahabang liham na ipinadala sa kanya, ay hindi lamang m~ga pangyayaring laging sariwa sa alaala ni Tirso kundi nagdudulot din naman sa kanyang puso n~g bagong damdaming sinisibulan n~g bago ring pagasa ... Ang buhay n~g tao ay nasasalalay sa gulong n~g Kapalarang walang humpay na umiinog. Kung sa ganang kay Tirso'y napailalim siya sa pagkabighani niya kay Teang, nitong nalulurok na n~g boong pagpapahalaga n~g kanyang kaluluwaang bawa't bugtong o talinghagang iniuukol sa kanya n~g magandang mestisa ay parang ibinubulong n~g kanyang sarili na nalalapit na naman ang kanyang pamamaibabaw at ikatatampok sa karurukan n~g tagumpay.

At buhat noo'y hinintay na niya arawaraw ang pagdating n~g tagadalang-sulat na magaabot sa kanya n~g pan~gako ni Elsa, o kaya'y ang pagtawag nito sa teleponong nasa silong n~g gusaling kanyang tinatahanan....

Ang makata ay nabigo na sa paghihintay n~g sulat ni Teang, ¿sa paghihintay n~gpostalo sa pagtelepono naman ni Elsa ay mabibigo pa rin kaya siya?...

¡Karnabal!

Lubhang makapangyarihan kung magutos ang dios n~g m~ga halakhak at pagbibiro, ang hari n~g balatkayuang lunas sa m~ga dalamhati n~g kaluluwa at puso....

Babago pang napaguusapan ang m~ga araw n~g kanyang pagdiriwang, sa iba't ibang panig n~g Maynila ang m~ga tao'y abalangabala na sa sarisaring paghahanda. Ang m~ga masalapi ay nagsisipagpagawa sa kanikanilang mananahi n~g m~ga kasuutang ikatatampok nila't ikauun~gos sa gayak n~g iba: m~ga sutlang kayong pulangpula na animo'y dugo, mayroon namang dilaw na nakikipan~gagaw sa kulay n~g apoy, at may lungtian pang nagbabalita wari n~g pananagana sa lahat n~g bagay n~g taong sa kanya'y nagpapakahibang ... Ang m~ga maralita naman, sa kabilang dako, ay nagtatamad sa paggawa, ilang araw na di sisipot sa pinapasukan, nagsasangla n~g isang tumbagang singsing o n~g isang hilakong hikaw, na tan~ging hiyas n~g kanilang karukhaan, nan~gun~gutang n~g salaping patubuan at ... bumibili n~g isang murang balatkayo, isang nakan~gising maskara, upang sa likod n~g m~ga ito'y sandaling limutin ang kanilang kahinubong pagkasahol sa buhay, at sandali ring makilahok sa m~ga halakhaka't panunukso sa kakilala't hindi man. Ang m~ga dalaga ay karaniwang magsuot n~g gayak Columbinang kaakitakit sa bawa't makakita, at ang m~ga binata nama'y nagdadami't Pierrot na lubhang katawatawa. Bawa't pusong pinasisigla n~g apoy n~g kabataan, bawa't kinapal na nasa panahon pa n~g kasariwaan, ay dili ang hindi naguubos n~g kaya sa paghahanda n~g tanang nararapat niyang gamitin sa pagsagap n~g luwalhati sa sinapupunan n~g dakilang karnabal. At yaong may kaluluwang hindi nagtitikim n~g biyaya n~g maligayang kapalaran, ay nagsisipan~garap na sa m~ga araw na iyan ay mabibihis ang kanilang kasawian, mapapaltan n~g tuwa ang kanilang m~ga paghihirap at sa duyan n~g luwalhati'y sandali silang aawit n~g kasiyaha't mahahalinhan n~g kabusugan ang binabata nilang uhaw....

At, hindi malilihis sa katotohanan kung ang mestisa at ang makata ay ibilang sa ganyang m~ga may hinihintay.

Si Dioni, na nagpanukala n~g pagpapayari n~g magagarang balatkayo na magagamit niya't n~g kanyang iminamahal na hipag, ay dili ang hindi nagsaloob n~g paninibago sa m~ga kilos nito, nang mapuna niyang tinatangihang pawa at sinasalubong n~g paghingi n~g paumanhin ni Elsa ang lahat n~g anyaya n~g m~ga tanyag na ginoong kaibigan at dating kasamasama sa m~ga liwaliwan, m~ga anyaya para sa isang gabi sa "Auditorium" o sa panonood kaya n~gcoronaciono n~g alinman sa m~ga magaganda't malalaking kasayahang idaraos sa loob n~g karnabal.

—Tila nagiiba na n~gayon si Elsa,—ang naibulong niya sa kanyang sarili, nang ang mestisa'y ayaw n~gang magbitiw n~g anomang pan~gako sa m~ga lalaking namumuhunan n~g masuyong pakiusap.

Bahagya ma'y hindi sumagi sa isip ni Dioni na ang sulat na ipinadala ni Elsa kay Tirso noong kararaang Bagong Taon ay maaaring siyang magbulos sa dalawa sa isang lihim na pagtatagpo sa loob n~g siyudad na kinaliligpitan n~g maraming hiwaga. Sa katotohanan, nang tagpuin sila n~g tinukoy na makata noong ikatlong gabi n~g m~ga pagdiriwang sa kaharian ni Momo, ay saka lamang napaguwiuwi, ni Dioni ang bagay at sanhi n~g m~ga kilos na kanyang napapanibaguhan sa kanyang hipag.

—Naalaman ko na n~gayon, Elsa, kung bakit hindi mo pinaunlakan ang alinman sa m~ga anyaya n~g iba't ibang kaibigan mo,—ang manawanawang naibulong niya sa mestisa nang lapitan sila ni Tirso.

At si Elsa na nakalurok kaagad sa ibig sabihin ni Dioni, ay nagbalobalong sumagot:

—Hindi ko sila ibig na makasama rito, iyan lamang ang sanhi n~g di ko pagpayag sa kanilang anyaya.

—Higit diyan ay mayroon pa....

—Ikaw ang napakamapaghinala n~g hindi tama....

—¿Ano? ¿Di ba totoong hindi iyan ang tunay na pinagpaparoonan mo?

—¡Hindi!

—¿At ibig mong tukoyin ko?

—¡Ayoko na n~ga n~g malabis na tuksuhan!

—¡Sa ako'y hindi nanunukso lamang, kundi...!

—Kinalilimutan ko na ang pagtawa, Dioni....

—N~guni't n~gayon sa gabing ito ay may matuwid ka nang tumawa ... At di lamang tumawa kundi marapat pang magalak, malugod at magpasalamat....

—¡Sukat na n~ga iyan!

—¡Kundan~gan pati ako'y ibig mo na yatang paglakuan!

Masaya n~ga ang dalawa.

At ang gayong malamang nang pagkabunsod n~g tipanang pagkikita nila ni Tirso, ay sapat nang makapag-pasigla sa diwa at katawan ni Elsa.

Noon ay siyang gabi n~g nababalitang pagpuputong sa napahalal na reyna.

Si Tirso, panggagaling sa paaralan ay nagdudumaling nagsuot n~g kanyang damit Pierrot na lungtiang magulang at yari sa sutla, may malalaking botones na dilaw sa m~ga manggas n~g baro at laylayan n~g salawal, saka may nagbiting bembe sa paligid n~g kanyang leeg; at han~gos nang nagabang sa isang pook sa loob n~g siyudad, alinsunod sa itinipan n~g mestisa sa araw na sinundan. Hindi naman siya gaanong nainip at dumating sa harap niya ang dalawang Columbinang dilaw, tila kambal sa pagkakawan~gis n~g tabas at kulay n~g kanilang balatkayo.

Ang pagkakaparis na iyon ay nakapagpaulikulik kay Tirso, palibhasa'y hindi niya makilala kung sino roon si Elsa at kung sino naman ang isang kasama. Datapwa, pagkapuna n~g mestisa sa, gayong paguulikulik n~g makata ay siya ang unang humudyat na magpakilala, saka pagkatapos ay ipinakilala rin kung sino ang kanyang kasama.

—Si Dioni iyan,—ang sa paimpit na tinig ay ibinulong. Saka bumaling sa hipag at sinabi:—Si Tirso ito....

Nagyao't dito muna ang tatlong magkakasama sa magkabikabilang panig n~g siyudad na pinanaganaan n~g liwanag. At nang makaubos na n~g kung ilang supot n~gconfettisa walang tuos na pakikipagsabuyan sa balana, ay saka lamang nagyayaang masok n~g "Auditorium", yamang malapit na rin namang dumating ang oras natatakda sacoronacion.

Walang hulugang karayom ang kapal n~g tao sa loob n~g nasabing "Auditorium" nang magsipasok ang tatlo. Kahi't saang gawi sila magbaling n~g tin~gin ay hindi nila mapagwari kung saang bahagi roon maaaring idaos ang ibinabalitangbaile de coronacion.

—¿Paano tayo rito?—ang tila may yamot na tanong ni Elsa sa dalawa niyang kasama, pagkamalas sa gayong sikip n~g m~ga taong nagtuwid na lamang sa pagkakatayo at ibig mang lumipat sa, ibang pook ay tila hindi magawa.

—Maghintayhintay muna tayong sandali, at baka mabawasbawasan ang tao'y lumuwagluwag naman n~g kaunti.—ang salo ni Tirso.

—¡Suss! Halos di pala makahinga sa sikip ang taong napaparito!—ang katlo naman ni Dioni.

At sa mungkahi n~g lalaki, ay nagsipagalis na sila n~g takip sa mukha, bilang pakikiugali sa karamihan doon.

At samantalang nagdaraan ang panahon sa gayong pagtitiis n~g di birobirong hirap, di nila napupuna ay untiunti silang napapalayo sa bun~gad n~g pintong kanilang kinatulusan, natatan~gay palibhasa n~g pabugsobugsong dating n~g m~ga tao. At ilang saglit pa rin ang lumipas bago nila natiyak na sila ay napapadpad pala sa isang gilid na malapit sa dingding na tinatalikuran n~g madla.

Sa pook na yaon, na bahagya nang inaabot n~g liwanag n~g kumpolkumpol na ilaw sa may panggitnang panig n~g bulwagang wala yatang kasinglaki, kaginsaginsa'y nalin~gapan ni Elsa't ni Tirso, samantalang si Dioni'y sa kaibayong gawi nakamata, ang isang babae't isang lalaking marahil ang isip ay wala sa gayong pagdiriwang kundi naglalakbay sa dako pa roon n~g m~ga pangarap ... At ang kanilang anyo't m~ga kilos ay siyang nagpapaakala n~g ganito. Angdisfraznilang gamit ay maituturing na kabilang sa m~ga lalong mahal at kaakitakit, hindi n~ga lamang gaanong bagay sa babae na gaya n~g sa lalaki. Parang walang namamalas na tao sa kanilang palibid, ay sapupo n~g isang kamay n~g lalaki ang maliit na baywang n~g babae, at ang isang palad nito'y matiwalang nakakapit sa balikat niyon, samantalang sa bawa't bulun~gan ay halos nagkakadampian na ang kanilang labi at ang nakahilig na mukha n~g isa ay di binabaklas sa pagkakadikit sa isa pa ... Ang masasayang n~giti't makahulugang m~ga sulyap ay di ikinukubli sa sinomang maaaring makapuna sa kanilang anyong nakatatawag n~g loob, at ang m~ga puso ay mahihinuhang sinasakbibi noon n~g kaligayahang pabihibihirang ipagbiyaya n~g panahon sa tao.

—Magasawa marahil,—ang marahang inianas n~g mestisa sa makata na di kinukusa'y napasundan n~g isang munting kurot sa bisig n~g pinagsabihan.

—Malayo ang hula mo,—ang pakli n~g makata, na dili ang hindi nakaramdam sa kurot na ibinigay sa kanya.

—¿Ay bakit ganyan na ang asta?

—Iya'y isa lamang sa karaniwang gawin n~g sinomang kinakandili n~g mabuting palad.

—N~guni't ang babae ay di papayag sa ganyan, kung hindi niya ibig ang lalaki.

—Iyan ang tama: walang pagsalang ang lalaki ay siyang hantun~gan n~g kanyang boong pagibig, kaya ganyan ang kanilang laya. ¡Mapalad na lalaki!

—¡Mapagsamantala ang sabihin mo!

—Sa ano't anoman, ay nananaghili ako sa kapalaran niya.

—Maaari n~gang managhili ka, sapagka't ... hindi si Teang ang kasama mo n~gayon.

—¡Si Teang na naman!

—¿At ano? Kung siya lamang ang narito't kakawit-bisig mo, kaipala ay wala kayong sukat ipanaghili sa dalawang iyan....

—Kung siya ang aking iniibig n~g boong pagkatao, oo; datapwa't ang totoo'y ... nalalaman mo nang hindi siya.

—¿At sino?

—¿Kailan~gan pa bang sabihin ko?

—¡Sa di ko nakikilala!

—¡Elsa! ... Nakikilala mo kung sino ang inabayan ko sa bangka sa Pandakan; nakikilala mo kung sino ang nagpadala sa akin n~g mahabang sulat na nasa bulsa ko sa m~ga sandaling ito; nakikilala mo kung sino ang kaulaulayaw at kinakausap ko n~gayon dito....

Ang mestisa ay pinamulahan n~g mukha't hindi nakakibo. Dinalaw na naman n~g lugod ang puso niyang tuwina'y sabik sa paggiliw n~g makatang iyong tan~ging naghahari sa kanyang kaluluwa. ¡Labas nang talaga sa dilang alinlan~gan ang pagwawagi n~g kanyang m~ga han~garin!

Subali't n~gayong natitiyak na ang kanyang pagwawagi, ay n~gayon naman siya nauumid mandin sa naglalambin~gang bigkasin n~g makata at sa m~ga kilos nitong maaaring mahalata n~g iba.

—Huwag ka nang main~gay, Tirso,—ang saway na amang sa lalaki,—hayan lamang si Dioni baka naririnig na tayo.

At ... ang m~ga bisig nilang nagkakakawit ay siya na lamang nagpahayagan n~g kanikanyang ibig sabihin sa bisa n~g bahagyang pagsiko n~g isa sa isa na ipinagkaunawaan nila.

Sa isang dako, si Dioni, na di naman patay na loob sa balabalaki n~g kabataan, ay talaga palang may napaghahalata na sa dalawa niyang kasama, kaya't sa simula pa n~g nahigin~gan niyang paguusap, ay kinusa na ang di pagaalis n~g mukhang paharap sa dakong malayo.

—Hindi masama ang pagbibigay ...—ang bulong niyang man~gitin~giti sa kanyang sarili.

Ilang saglit na walang nagbubuka n~g bibig.

—Dioni,—ang tawag mayamaya n~g mestisa.—¿Baka naiinip ka na?

—Kung hindi kayo naiinip ay hindi rin ako ...-masiglang itinugon n~g tinukoy.

—Hindi kami mangyayaring mainip, Dioni, sapagka't mayroon kami rining isang nakapupukaw n~g loob na panoorin,—pan~giti namang ikinatlo ni Tirso, saka inihudyat n~g n~guso ang dalawing pinanonood sa gawing padako kay Elsa.

Napatawa si Dioni sa anyo n~g itinuturo n~g makata.

—¡Dito ka n~ga naman sa karnabal makakikita n~g sarisaring palabas!—ang pakagat-labing sabi sa mahinang turing.

—¡Talaga!—ang ayon ni Tirso.

—At ¿naalaman mo, Dioni? nananaghili raw siya sa dalawang iyan, sapagka't hindi niya kasama ang kanyang minumutyang si T....

—¡Ehem!—anang hipag na tinukoy.—¡Baka kung ano na iyan!...

—¡Hindi!—ang tanggi n~g makata.—Nagbibiro lamang itong si Elsa.

—¿N~guni't hindi mo ba natatandaan, Dioni, kung sino ang kasama n~g maginoong ito noong minsang makita natin siya sa salon n~g "La Perla"?

—¿Si Teang na inaanak n~g tia Basilia?

—¡Wala pong iba!

—¡Aha!...

At ang lalaki ay manawanawang pumakli:

—Magpaniwala ka, Dioni, kay Elsa ay kung saan ka tuloy dadalhin nito....

—¡Tumatalikod n~gayon ang bata!—ang palabing agaw pa n~g mestisang sa hipag nakatin~gin. ¡Ikinahihiya yata ang "himala" ni pari Casio! ¡Kawawa naman!...

Hindi nalalaman n~g dalawang babae na ang m~ga winikang iyan ni Elsa'y balaraw na umiwa sa damdamin ni Tirso. Naalaala ang m~ga balita ni Martinez.

Si Dioni naman, kaya napapamata, sa hipag at walang isinasagot kundi tatawatawa lamang, ang totoo'y hindi pala nakauunawa sa ibig sabihin n~g "himalang" binanggit n~g mestisa.

—Maalaala ko pala'y matagaltagal nang hindi ko nababalitaan kung saan naroon ang Teang na iyan,—ang tan~ging nasabi ni Dioni.

—¿Saan n~ga ba naroon?—ang di napigilang itinanong din ni Tirso na nadadala yata n~g pananabik.

—Kung sino ang dapat makabatid niyan ay siyang dapat makapagsabi,—ang sunggab ni Elsa.

—¡Ikaw!—ang tukoy ni Tirso sa mestisa.

—¡Ikaw!—ang batik naman ni Elsa sa makata.

—Tila narinig ko kung kanino na siya'y inauwi sa probinsia, n~guni't ito naman yatang si Elsa ang nagsabi sa aking minsan na siya ay nasa kolehio,—ang badya naman ni Dioni.

—¿Nasa kolehio?—anang lalaki.

—Noong araw,—ang saklaw n~g dalaga.

—¿N~guni't n~gayon?—itinanong n~g hipag.

Naghilian sa pagsagot ang dalawa.

Tuwinang mapaguusapan ang n~galan ni Teang ay di matimpi ni Tirso ang pananabik na gumigiyagis sa kanya. At tuwina namang may mahahalatang ganyan si Elsa, ay lalong nagdaragdag n~g sikap para siya ang makapangyari sa isip at damdamin n~g makata.

Siyang paglin~gon sa kanila n~g lalaking pinanonood na kayaposyapos n~g isang babae. At nakilalang maliwanag ni Elsa.

—¡Susss!—ang pamanghang wika.—¡Si Dr. Nicandro!

—¿Siya n~ga ba?—ang pataka ring sambot n~g dalawa.

—¡Siya n~ga!

—¿At sino kaya ang babae?—ang tanong ni Dioni.

—Namumukhaan ko; isang "maamong kalapati" sa "mayamang alagaan" sa San Juan ...—ang pahayag n~g lalaki.

—¿Ano ang sinabi mo?—ani Elsa.

—Isang makisig na mananayaw ...—ipinaliwanag ni Tirso.

—¡Isang doktor sa piling n~g isang bailarina!—mahinayang pang sambit ni Dioni.

—¡Bah! Iyan, Dioni, ay di humihigit sa karaniwang makita n~gayon dito sa Maynila at sa m~ga karatig na bayan,—ang baling n~g makata,—Ang naririto n~gayong ating namamalas ay isang doktor, at sa m~gacabaret, m~gahotel, at iba't ibang pook na sagapan n~g aliw, dapat ninyong maalamang hindi iilan ang m~ga matutunog na abogado, m~ga matalakatak na kinatawang bayan, matataas na kagawad n~g pamahalaan, m~ga batikang politiko, m~ga mayayamang man~gan~galakal, m~ga mamahayag at iba pang nabibilang sa unahang hanay n~g m~ga pagasa't dan~gal n~g bayan, na nagpapakalasing sa kandun~ga't bisig n~g kung sinosinong babaeng nakapagaalinlan~gan ang linis n~g pamumuhay.

—¡Ang lalaki n~ga naman! ¡kailan ma'y lalaki rin!—ang parinig ni Elsa.

—¡Mangyari pa! Gaya rin naman n~g katotohanang ang babae ay babae rin kailan man,—isinaklaw ni Tirso.—Datapwa't hindi ang lahat ay may hilig sa ganyan....

—Humigit-kumulang ay parisparis na kayo,—ang sabad ni Dioni.

—Mayroon din naman sa aming kalaban n~g ganyang ugali. Halimbawa: ako....

—¿Ikaw?

—Oo.

—¿Ay bakit nalalaman mong pagsabihing may abogado, periodista, man~gan~galakal at iba pang umaasal n~g ganyan, kung diyan ay hindi ka kabilang?

—Sapagka't natatagpuan sila kahi't hindi hanapin. Paris n~gayon; hayan ang isang manggagamot, at nakita natin sa piling n~g isang mananayaw n~g di tayo tumutuntong sacabaret.

—¡Hintay kayo't may iba naman akong nakikita!—ang biglang hadlang ni Dioni, saka patagong inihudyat ang isang babae't isang lalaki pang may kapunapuna ring palagayan sa isang panig na di lubhang malayo sa kinaroroonan nila,—Nakikilala ko ang lalaki: si abogado X***, n~guni't ang babae'y....

—¡Ah, ako ang nakakikilala pati sa babae!—isinaklaw ni Elsa.—Iyan ang may asawang si aling K*** na pinakapintasan nang minsan sa harap ko ni Martinez.

—¿May asawa ang babae?—itinanong ni Tirso.

—Mayroon, n~guni't ang kasamang iya'y hindi siyang nagmamay-ari sa kanyang pan~galan,—ang paliwanag pa n~g mestisa.

—Saka ang asawa raw n~g babaeng iyan, Tirso, ay walang pan~galawa sa kabaitan,—ang susog pa ni Dioni. Balana umano ay kinapitan sa manggas n~g babae at ang sinasangkalan ay ang m~ga, sayawang malimit niyang daluhan, samantalang siyang lalaki naman ay panatag daw na naghihilik sa kanyang bahay at di man napapanaginip ang pananagumpay n~g kanyang... kabaitan.

—Gaya n~gayon,—pan~giting naitugon n~g makata,—narito ang natuturang kabiyak n~g kanyang puso, subali't nariritong hindi sa kanyang kandun~gan nagpapasasa n~g ligaya....

Walang anoano ay may tugtog n~g kornetang naulinigan sa dakong hinaharap n~g madla, tugtog na sinundan n~g biglang pagkabalisa't pagdadagitgitan n~g m~ga tao sa pagaakalang yaon na kaipala ang unang babala n~g gagawing pagpuputong.

Kaginsaginsa nama'y sa sisipot sa harap nina Tirso ang magasawang nagpiging sa Pandakan, at han~gos, pagulat at nagdudumaling ginagap n~g babae ang m~ga kamay ni Elsa't ni Dioni, saka ang m~ga ito'y niyayang sumama sa kanila na humanap n~g mabuting pook upang kahi't paano'y masilip man lamang ang mukha n~g reynang sanhi at dahil n~g maraming bulun~gan.

At palibhasa'y hindi lamang sila kundi lahat ang naghahan~gad na makapanood n~g pagpuputong, ay di sila nagkapanahong magusap n~g marami, at sa m~ga tin~ginan ay nagkaalam nang susunod sila sa biglaang pagbatak kina Dioni n~g m~ga kaibigang magasawa.

Sapagka't hindi naman manyayaring manatili ang pagaakayan n~g isa't isa, sanhi sa walang kasingsikip na taong umuho n~ga sa loob n~g tanghalang iyon n~g malaking kasayahan, hindi kinukusa n~g sinoma'y nagkalayolayo sila: ang magasawa ay napabukod; si Elsa't si Tirso ay kung saan napatun~go; at si Dioni ay napagisang hahanaphanap sa m~ga kasama.

Sinapantaha ni Dioni na kasama n~g magasawa ang makata't ang mestisa; inakala naman n~g m~ga ito na si Dioni ang kasama n~g m~ga yaon; n~guni't sa palagay n~g magasawa'y humiwalay nang kusa ang tatlong magkakaabay.

Sa gayong pagkakaligawligaw, ang dalawang nasa kasariwaan ay pinatnugutan n~g mabuting pagkakataon.

—Kung ako lamang ang masusunod ay minamabuti ko pang maupo na lamang tayo rito at paraanin nang idaos ang pagpuputong na iyang pinagkakaguluhan n~g tao,—ang wika ni Tirso.

—¿Hindi kaya tayo hanapin ni Dioni?—ang tanong ni Elsa.

—Hanapin man ba, kung hindi tayo umaalis sa pook na ito, ay di lalo pang madali tayong magkikitakita....

—Mabuti pa n~gang magpahipahin~ga muna tayo; n~galay na n~galay na ang m~ga binti ko sa malaong pagkakatayo.

At magkapiling na nagsilikmo ang dalawa sa pook na yaong tinatalikuran n~g makapal na taong sa iisang dako nakaharap.

—¿Nasa iyo n~ga ba n~gayon ang sulat ko?—itinanong makasandali n~g babae.

—Nasa akin,—ang pakli n~g lalaki.

—Mabuti pa kaya'y isauli mo na....

—¿Bakit?

—Kung wala rin lamang kahihinatnan, eh bakit mo pa iin~gatin~gatan....

—¿Walang kahihinatnang paano?

—¿At, mayroon ba?

—¡Elsa, parang ikaw pa pala ang may hinanakit sa akin, gayong kay daming araw na ipinamahay ko sa malaking pananabik sa ikapagkakaroon natin n~g panahon sa paguusap n~g niig na paris nito!...

—¿N~guni't n~gayon ay ano ang iyong sasabihin?

—Unanguna'y ibig kong ipahayag ang malabis kong pagdaramdam dahil sa pagkapagsalita sa iyo n~g kapatid mo; ikalawa'y ibig ko rin namang ipayo sa iyo na ipagpaumanhin mo't iwaksi na sa loob ang lahat n~g iyon, yayamang kapatid mo namang nagmamahal ang nagsalita.

—¿Wala nang iba?

—At ... at ... ¿ano pa ba ang hinihintay mong gawin ko?

—¡Ay, Tirso! ¡Salamat kung iyan na lamang ang iyong inaakalang dapat gawin!...

At pagkasambit nito ay papiksing tumayo at umanyong nagtatampo.

—Elsa ...—malumanay na tawag n~g makata,—sasandali ang pagkakataong ito na masasamantala natin; mangyayaring sa sisipot na lamang dito't sukat ang iyong hipag, maanong kung baga't ibig mo ay magusap na tayong mahinahon....

—¿Ano pa ang kailan~gan? Naipahayag mo na ang iyong loobloob....

—Maupo ka sanang muli't may sasabihin pa ako....

Dili ang hindi nanumbalik na lumikmo ang dalaga.

—O eh ¿ano n~gayon?—ang tanong na tila nakapangyayari.

—Elsa, dahil sa kahalagahan n~g bagay na ipinaghihintay mo sa akin n~g pasya, ay ibig ko sanang ipamanhik sa iyong pagusapan natin ito n~g lalong mahinahon....

—¡Pshe!

—Siya n~ga, Elsa. Ang nais ko ay maunawaan mo ang kalinisan n~g aking budhi't kadalisayan n~g ... pagmamahal ko sa iyo.

—¡Pagmamahal!...

—Oo, Elsa, minamahal kita; at hindi lamang minamahal, kundi itinatan~gi sa lahat: iniibig n~g boong puso....

—¡Kay buting pagibig! ¡Iniibig na pinasasakitan!...

—Ang ginhawa mo'y siya kong pinakahahan~gad....

—Salamat, n~guni't marahil ay ... talagang hindi tayo nagkakaisa n~g pagkukuro.

—Pagaaralan ko ang iyong ikasisiyang loob.

—Subali't ¿ano ang maipagsusulit mong pagbibigay kasiyahan sa akin tungkol sa nilalaman n~g sulat kong pinagpaguran ko pang pakahabaan?

—Ang pagpapagunita sa iyo, tan~gi sa aking m~ga sinabi, na ang pangusap n~g kapatid, gaya n~g sa magulang, ay nakatataba sa puso n~g pinan~gun~gusapan.

—Maipalalagay mo na ang tanang ibig mong ipalagay; datapwa't ang sinasabi ko naman, Tirso, ay mahirap nang magtagal ako sa bahay na iyon. ¡Kung narinig mo sana ang m~ga salita niyang halos masasabing pagtataboy sa akin!

—Yao'y hindi pagtataboy, kundi pagpapakilala lamang sa nagawang kasalanan....

—¡How! Kaya niya ako pinagsalitaang gayon na walang kapatupatumangga ay sa dahilang may paniwala siyang ako'y paglalaruan mo lang. At kung ganyan ang nadadama ko sa iyo ay ... ¡tila hindi siya nagkakamali!...

Pagkawika nito'y namasdan ni Tirsong umanod sa pisn~gi n~g mestisa ang ilang patak n~g luhang nagpapahayag n~g malaking paghihinagpis. ¡Kaunaunahang patak n~g luhang nasaksihan niyang namalisbis sa mukhang iyong puspos n~g sanghaya! Nan~gilabot si Tirso.

—Elsa, inuulit ko sa iyong iniibig kita n~g isang pagibig na walang katapusan....

—Tirso, ang pagibig na iya'y sayang lamang, kapag di mo natutuhang ilin~gap sa isang abang sawing inabot n~g sigwa sa dagat n~g buhay....

—Ako ay nasa piling mo sa lahat n~g sandaling kailan~gan ang aking magagawa; n~guni't ang nagdaan sa palad mo, Elsa, ay di pa isang sigwa, kundi isa lamang bahagyang biro n~g Panahon sa gaya nating paharap sa pintuan n~g Luwalhati ... Huminahon ka, at hindi kita pababayaan....

Naito na si Dioning han~gos at putlangputlang di halos makapan~gusap.

—¡Pinakaba ninyo ang dibdib ko!—ang di napigilang sabi sa m~ga dinatnan.

At sina Tirso'y nagtindiga't sumalubong.

—¿Saan ka napatungo't nawala ka rito?—ang madaling itinanong ni Elsa.

—Hindi na kami umalis dito't baka aniko'y magkita tayo agad, yamang dito tayo nagkahiwalay,—ang sambot naman n~g lalaki.

—¡Naku! ... ¡Nanglalata ako!—ang daing ni Dioni, at napalun~gayn~gay na lamang sa balikat n~g hipag.

Sa isang tin~ginang n~g makata't n~g mestisa, ay nagkaunawaan ang dalawang ito sa pagpapakahulugang hindi pagod o anoman ang ipinagkagayon ni Dioni, kundi ang pagsasapantahang "baka ang sisiw na kanyang alaga ay kung saan na tinan~gay n~g lawin" ... Kaya't nagkan~gitian tuloy n~g lihim.

Kay Dioni naman, ang nadatnan niyang bakas n~g luhang umagos sa pisn~gi ni Elsa ay naging isa pang patibay n~g kanyang m~ga salagimsim.

Ang paliwanag ni Tirsong hindi pagalis sa pook na iyon, ay ipinalagay lamang na isang mababaw na salamangka. Gayon ma'y nagpakatimpitimpi na lamang at hindi na umimik, kundi nang mapilitang imungkahi ang ganito:

—Totoo na akong nanghihimagal; kung tayahin ko'y sumasama pa ang aking katawan, ¿hindi kaya magiging pan~git sa inyo, Tirso, kung magpauwi na muna tayo n~g hindi pa natatapos ang kasayahang sinadya natin dito?

—Hindi, Dioni,—ang panabay na sambot n~g dalawa;—tayna, kung ibig mo na. Ikaw n~ga lamang ang hinihintay namin.

—Kayo na sana ang bahalang magpaparaya sa akin, hane.

—Wala kang sukat ipagalaala.

At ilang saglit pa't tinun~go na n~g tatlo ang dakong pinto n~g maluwang na "Auditorium".


Back to IndexNext